Lunes, Disyembre 22, 2008

Kumpisal Day

Sa totoo lang, kahit matagal na akong nagsusulat (nagsimula sa diary hanggang subukan ko ang blog), hindi ko alam kung paano ko ito sisimulan at sasabihin. Ang totoo nyan eh matagal nang nagsu-swimming sa likido ng aking utak ang ideyang ito kung sasabihin ko ito o hindi. Pero dahil alam ko nang nauubos na ang pasensya nyo sa kababasa nito at alam kong gusto nyo na akong sigawan ng “ANO BA?! PAPATAYIN MO BA KAMI SA USPENS?! SABIHIN MO NA KASI BRUHAA!!”

Okey, eto na po.

Mga kaibigan, kabatak at usisero, eto na ang rebelasyon ko.


Bakla ako.


Oo, bakla ako. Sa tagal-tagal ko nang pinipilit pigilan ang sarili ko, ngayon eh handa na akong tanggapin ang tunay na ako. Bilang isang bakla.

ISANG BABAENG BAKLA.

Isang kafatid ni Roderick Paulate na sinuwerte diumanong mapunta sa katawan ng isang Eba di tulad ng iba na na-trap sa katawan ng mga kauri ni Adan. Isang aminadong mas nanaisin pang kumain ng bubog, tumulay sa apoy at makinig ng kanta ng isang artistang pilit na pinakakanta kahit halatang sintunado kesa ang makipagrelasyon sa babae. Ganun katindi ang pagkagusto ko sa lalaki. Ganun ako kabakla sa lalaki. Baklang-bakla talaga.
Ang obvious na advantage ko sa mga kapwa ko bading na napunta sa katawang lalaki eh pinanganak akong sa lahing de matres at genuine na dibdib kahit di kasing-laki ng kay Keanna Reeves. Kaya, kung may makilala man ako eh may pag-asa akong maiharap sa dambana na naka-trahe de boda at may basbas pa ng kasal. Na may kapasidad akong magbigay ng anak na syang isa sa mga kagustuhan ng mga lalaki. Ang magpapatuloy ng salinglahi.
Maswerte raw ang isang katulad kong babaeng bakla kasi di ako pupupugin ng pasa kung sakaling makita ako ng aking mudra, ate at iba pang kamag-anak na nakasuot ng palda o bestida. Baka magpamisa pa sila sa Roma at kung pwede lang eh simutin ang buong ladies section ng SM Department store sa sobrang kagalakan.
Bilang isang babaeng bakla, okey lang daw kung nasa bahay lang ako at nasa harap ng sewing machine o kaya nagbuburda o naggagantsilyo at hindi oobligahin na lumabas at tumulong sa karpentero, latero at mason pag inaayos ang aming bahay. Baka himatayin pa ata ang nanay ko pag nakita akong humawak ng pala at asarol.
Siguro nga ang babaeng bakla eh mapalad (maswerte in other words at di tulad ng iniisip ng mga berdeng utak!) kasi hindi sila mahihiyang ipakilala kung sinuman ang manligaw sa kanya. Walang masyadong violent reaction di tulad ng sa mga kafatid na kapwa lalaki ang pinapatos.

Maswerte nga ang isang babaeng baklang katulad ko.

DAW.

Eching lang yun. Drowing kumbaga. Dahil tulad ng isang bading, meron din akong kamalasan sa buhay.

Kung ang mga lalaking bading eh na-trap sa katawang bigay kay Adan, ako naman eh na-trap sa machong tradisyon na nagtalaga kung ano ang dapat gampanan ng isang babae sa lipunan. Kung ano ang dapat ikilos. Kung ano ang dapat sabihin sa madla.
Kung lalaking bading lang ako, baka naipagsigawan sa mundo ang pagmamahal ko sa isang lalaki. With matching microphone. O kaya, iparada ko sya sa buong kalye ng Kamaynilaan man o sa Inglatera with TV, Radio at YouTube coverage pa. Kahit lumabas na katawa-tawa. Kahit batuhin ng krus, bawang at kahit kampana ng lahat ng simbahan. Ang importante'y alam ng mahal ko kung gaano ko sya kamahal.
Isang bagay na di dapat gawin ng isang babae. Dahil ang babae eh inaasahang mandedma at wag magpakita ng motibo. Na dapat eh kami ang maghintay na suyuin at pagpakitaan ng pagkagusto. At ang sinumang babaeng sumalungat sa batas na yun eh nababansagang mababang uri. Puta kumbaga.
At tulad ng lalaking bading, ako rin ay nasaktan ng pag-ibig pero paulit-ulit pa ring iibig kahit may posibilidad na lokohin muli dahil alam namin, balang araw, meron din kaming makikilalang tanggap ang kagandahan at kahit kabulukan ng aming pagkatao.
Na mamahalin ako hindi dahil sa may matres ako.
Kundi mamahalin ako bilang ako.


Yun na.

Huwebes, Hunyo 19, 2008

Sentimyento De Asukal



(Babala: Huwag babasahin ang sanaysay na ito kung wala kang pasensiya sa sentimyento. Kung may katiting na pasensya ka, sana intindihin mo na lang na "hingahan ng himutok" section ito. Salamat.)

Eto lang ako.
Isang simpleng tao na ordinaryo at payak ang kinalakihang buhay. Isang simpleng taong nangahas abutin ang isang katulad mo. Nasa iyo na ang lahat: marangya at maalwang buhay, may itsura ka at mataas ang estado mo sa buhay. Sa totoo nga, kahit sinong babae ay mahuhumaling sa 'yo at papayag agad silang maging alipin at sunud-sunuran sa 'yo ng walang duda. Kung tutuusin nga, para akong langgam na nangangarap abutin ang buwan. Ganyan kalayo ang agwat ng mga mundong ginagalawan natin.
Ganyan ako hindi ka-bagay sa iyo.
Kung magkakaroon kaya ng kakarampot na posibilidad na magtagpo tayo, mapapansin mo kaya ako? Matututunan mo kaya akong mahalin kahit wala akong karangyaan at kasikatang meron ka? Kahit wala ako sa kalingkingan ng mga babaeng nakapalibot sa 'yo?
Kahit eto lang ako?
Kung ako ang tatanungin, kahit ga-butil na pag-asang ibibigay sa atin, siguradong kukunin ko. Dahil kahit ganito lang ako, mamahalin kita kahit mawala ang lahat sa yo. O kahit mawala man ang kung ano mang natitirang kayamanan na meron ako.
Basta nandito ka lang kasama ko.
Basta alam kong nandyan ka at alam kong mahal mo rin ako.
Kahit ganito lang ako.

Lunes, Hunyo 9, 2008

NUNO NG PUNGSOY: BAKIT ASAR SI LOTUS FEET AT NAGMUMULTO KAY JOY...MGA POSIBLENG KADAHILANAN AT EKSPLANASYON SA MGA PANINIWALA SA PUNG SOY




Ilang araw ng pananahimik matapos akong sabun-sabunin ng aking ate dahil sa artikulo ko tungkol sa posibleng eksplanasyon sa ilang pamahiin, eto na naman ako at bibigyan naman ng posibleng eksplanasyon ang ilang tradisyong sinusunod sa Feng Shui o Pungsoy.

1. TANGGALIN O TAKPAN ANG ANUMANG SALAMIN SA IYONG KUWARTO HABANG IKAW AY NATUTULOG.

Ang salamin sa kuwarto na nagre-reflect sa kama ay lumilika ng napakaseryosong problema. Ang isang taong single ay mahihirapang humanap ng kanyang partner dahil ang salamin ay lalong nagpapadoble sa kanyang pag-iisa.

Samantala, ang isang mag-asawa naman na may salamin sa kanilang kuwarto na nakikita ang kama ay umaakit ng ikatlong partido na maaaring sumira sa inyong relasyon.

--Ayon sa Feng Shui eh dahil sa ito'y nakakasagap ng bad vibrations. Sa akin naman ay dahil sa pag nakikita mo ang sarili mong sa salamin--LALO PAG BAGONG GISING KA--aba, umagang-umaga eh matatakot ka sa sarili mong itsura lalo pa kung katulad ka ng kapatid ko na tulo-laway kung matulog at laging may La Mesa Dam sa may unan tuwing umaga. Para kang nakakita ng nakawalang werewolf na may rabies.
Sa mga mag-asawa naman, ang paglalagay ng salamin sa harap ng kama ay magdudulot ng problema lalo pa tuwing umaga, imbis na "Good Morning" ang bati ninyo sa isa't isa na may matching kiss and hug, baka sabihan ka pa ng asawa mo ng "LUMAPIT KA NGA SA SALAMIN AT MAG-AYOS KA! MUKHA KA NA NAMANG MALIGNO SA ITSURA MONG YAN!!" Malas nga naman, di ba?


2. KUNG MAGPAPAGAWA NG BAGONG BAHAY, DAPAT HINDI MAGKATAPAT ANG MAIN DOOR AT BACK DOOR.
--Isipin mo na lang na ikaw lang naghahapi-hapi kayo sa bahay tapos bigla kayong binulaga ng Akyat Bahay. Pagkatapos itali kayo na parang mga kaing ng saging at hinakot ang mga gamit nyo, kung nagkataong magkatapat pa ang front door at back door, siguradong magiging madali sa mga magnanakaw ang makatakas. Ito marahil ang dahilan kaya ayon sa mga Intsik malas ito.

3. HINDI MAGANDA ANG "SPIRAL STAIRCASE" SA ISANG TAHANAN. KUNG MERONG GANITONG KLASENG HAGDAN, MAKABUBUTING MAGLAGAY NG ILAW NA LAGING NAKABUKAS SA MAY BUKANA NITO.
--Hindi nga naman maganda ang Spiral Staircase kasi unang-una, nakakahilo ang maglakad pababa ng hagdan na paikot-ikot (lalo pa kung mahaba ito at matagal bago abutin ang pinakababa). Pangalawa, hindi ito magandang maging hagdan kung may bata o matandang kasambahay dahil pag nadulas sila, baka sumabit pa ang mga braso LALO ANG LEEG sa pagitan ng mga barandilya. Que Horror! Kung matigas ang ulo mo o mate-arts ka lang talaga na ganito ang hagdan mo, makabubuti ngang may ilaw para makikita mo lagi ang dadaanan mo kahit bumaba ka pa ng bahay ng hating gabi.

4. DAPAT PUNO ANG LALAGYAN NG BIGAS (RICE DISPENSER) LALO PAG BAGONG TAON.
--Ngayong nagmahal ang bigas, siguradong hindi lang sa Bagong Taon gagawin ito ng mga Pinoy. Anyway, gaya ng sinabi ko tungkol sa pinagmulan ng hindi paliligo sa Biyernes Santo, malamang ito rin ang posibleng dahilan. Kung nawalan ka ng bigas sa bisperas ng Bagong Taon, malas ka kung ang nag-iisang naiwang bukas na tindahan ng bigas eh ang kapit bahay mong 200% kung managa sa presyo.

5. HINDI DAPAT MAGKATAPAT ANG KUBETA AT ANG KAINAN. (Or kung two story bahay mo, wag dapat ang nasa ibabaw ng kainan ay ang kubeta)
--Sentido Komon na lang kaya ginawa ito. Isipin mo na lang na nagkaroon ng handaan at the same time ay may tao na nasa kubeta at sira ang tiyan. Kung masyadong magkalapit ang kubeta sa kusina lalo na sa hapag kainan, siguradong aabot sa inyo ang "masamang ispiritung" manggagaling sa banyo. Hmmm...appetizing!

Ilan lang yan sa mga kaugalian sa Feng Shui na binigyan ko ng makabagong eksplenasyon at marami pa akong ilalagay sa mga darating na araw. Tingnan ko muna kung magre-react pa dito ang mga kapatid ko.

Biyernes, Abril 25, 2008

BAKIT KAILANGANG MABANTOT KA PAG BIYERNES SANTO AT NANLILIMAHID ANG SAHIG PAG GABI (MGA KAKATWA AT POSIBLENG EKSPLENASYON SA MGA PAMAHIIN)


Simula pa nung bata ako, namulat na ako sa mga pamahiin na pinaniniwalaan ng nanay ko at sinusubukang itanim sa utak ko. Sa totoo lang, ang mga pamahiin ay paraan din ng mga matatanda para sumunod ang mga bata na sa oras na hindi sundin ng bata at may mangyaring disgrasya, susunod na sya.

Eto ang mga posibleng paliwanag sa ilang mga pamahiin.


1. Bawal magwalis pag gabi dahil wawalisin mo ang swerte or mamalasin ka.

  • Noong mga unang panahon, wala pang kuryente at ang tanging ilaw lang sa gabi ay sa mga kandila o gasera. At dahil yun lang ang gamit na pang-ilaw, pag nagwalis ka ay posibleng matabig mo ang gasera o madikit ang dulo ng walis sa kandila na maaaring magdulot ng sunog. Isa pang posibleng dahilan ay dahil sa kandila o gasera lang ang gamit, hindi nito naiilawang mabuti ang buong kabahayan hindi tulad ng mga fluorescent ngayon. Kaya pag nagwalis ka, hindi mo masyadong makikita na ang winawalis mo na palang papel na pakalat-kalat ay importanteng dokumento o kaya pera. Malas nga!

2. Bawal matulog na basa ang buhok.

  • Sabi ng nanay ko, pag natulog ka ng basa ang buhok ay 1) masisiraan ka ng bait o kaya, 2) mabubulag ka. Kahit na may kasabihang curiosity kills the cat, nag-eksperimento ako at awa naman, walang nangyari. Wala! Wala! Wala! Ahahahahaha!!! Ehem! Sorry, joke lang. Ang totoo nyan, may mga taong mas madaling antukin pag bagong paligo (tulad ko). Pag ang mga ganitong tao ay nakatulog, parang mantika na kahit anong panggigising eh wa epek. Ang teyorya ko, mayroong nakatulog noon na basa ang buhok eh kaso, nadisgrasya (e.g. baka napagdiskitan ng mga nakapaligid o baka nahulog sa higaan) kaya nabulag o kaya, dahil sa mas madaling napuputol ang hibla ng buhok pag basa, pag natulog ka na basa ang buhok ay paggising mo, parang sinabunutan ang itsura mo—in short, para kang gaganap na Sisa sa Noli Me Tangere.


3. Bawal maligo pag Semana Santa lalo na pag Huwebes at Biyernes Santo.

  • Noong kapanahunan ng mga lolo't lola natin, mas relihiyoso at masunurin sa tradisyon ang mga tao. Pag sinabing oras na pag-aayuno, tigil lahat ng trabaho lalo na pag Semana Santa. Noong mga panahong iyon, ang sinasalok na tubig ay iniipon sa mga tapayan o banga. Isipin mo na lang na nabuhay ka sa panahong iyon. Pag naligo ka lalo pa pag napag-tripan mo ang mga araw ng Huwebes at Biyernes—at nagkataon pang naubusan ka ng tubig habang punung-puno ka ng sabon sa katawan! Eh sino ang magsasalok ng tubig para sa yo, di ba? O kaya, kahit may sasalok ng tubig eh kaso nagkataong sira ang tulay (noong unang panahon, karaniwang nasa malayo pa ang pagsasalukan ng tubig) papunta sa balon at pag inabot ka nga naman ng kamalasan sa lahat ng kamalasan, wala rin ang mga taga-ayos ng tulay dahil nasa simbahan silang lahat. O di ba, isusumpa mo na hindi na maliligo pag Semana Santa?


4. Bawal bumiyahe ang isang ga-graduate dahil lapitin ng disgrasya.

  • May ilan pang version ang kasabihang ito—sa mga mag-aabroad, ikakasal, mag-aaral sa malayong lugar, manganganak at iba pang nakatakdang umalis o bumiyahe. Ang totoo nyan, ilan ito sa mga totoong pinaniniwalaan at sinusunod magpasahanggang ngayon. May dalawang teyorya kung bakit sinusunod pa rin ito ngayon: 1) Ang tinatawag sa Ingles na coincidence kung saan, posibleng nabalitaan mo na dalawa sa mga kakilala mo na alam mong parehong ga-graaduate/ikakasal/mag-aabroad/manganganak eh nadisgrasya at nagkataon din na nakatakda ka rin grumaduate/ikasal/manganak/mag-abroad. Siyempre, ayaw mong idaan sa bahala na ang buhay mo at gusto mong hindi mangyari rin yun sa yo kaya, hindi ka na rin masyadong lalabas ng bahay.

    Isa pang posibleng teyorya nito ay dahil nga alam mong may selebrasyon na mangyayari, nakakalimutan mo ang pag-iingat na nauuwi sa disgrasya. Halimbawa, alam mong gagraduate ka matapos ang ilang taong paggapang sa pag-aaral at sa sobrang tuwa mo ay nalagpasan mo ang isang baitang ng hagdan habang papunta ka sa bahay ng kaibigan mo kaya ang mangyayari, bubulusok ka pababa ng hagdan. Malas nga naman di ba?


5. Bawal ngumiti pag kumikidlat.

  • Bago pa nabalitaan ng mga lolo't lola natin ang tungkol sa eksperimento ni Benjamin Franklin gamit ang kanyang saranggola, nauso na ang magpalagay ng mga prosthetics sa ipin tulad ng pustiso na dati noon, ang iba ay yari sa pilak o kaya ginto at ngayong makabagong panahon, nauso na ang mga retainers, braces at jackets. Isipin mo na lang na may lightning rod ka sa bibig na sa oras na mapangiti ka pag kumikidlat, alam mo na ang mangyayari.


6. Bawal dumalaw sa patay pag may buwanang dalaw.

  • Ang teyorya ko, dahil sa mabahong amoy ng dugo na galing sa regla, lalo nitong pinapaalala na may patay. Marahil din, mayroong kasabihan na pag may nangangamoy na malansa, pahiwatig din ito na hindi pa tanggap ng yumao na sumakabilang buhay na sya—in short, nagmumulto! Kaya para hindi matakot ang mga nasa lamayan (at para tuluy-tuloy ang pagdating ng abuloy), pinagbawal na ang pagdalaw ng mga may “dalaw”.


7. Bawal lumapit sa pusa pag kumikidlat.

  • Isa lang ang scientific explanation dito: static electricity. Paki-Google na lang kung hindi mo ito alam.


8. Bawal lumapit sa pusa ang buntis dahil ang pusa ay maaaring isang aswang.

  • Ang totoo, bawat Muning ay may dalang sakit na hindi nakakaapekto sa ordinaryong tao pero nakakaepekto sa buntis. Ito ang tinatawag na toxoplasmosis na maaaring makaapekto sa kalusugan ng fetus. Hula ko, anti-animal rights ang nagpasimuno nito dahil 1) allergic sya sa pusa 2) pangit sya kaya di nilalapitan ng pusa o kaya 3) na-trauma noong bata pa matapos maihian ng pusa.


9. Pag may nahulog na kutsara, may bisitang babae at pag tinidor naman, lalake ang bibisita.

  • Ang teyorya ko dito, noon kasi, bibihira lang ang may kubyertos dahil madalas yari ang mga ito sa pilak na tanging mga may kaya lang ang makakabili. At sa oras na mabalitaan ng kapit-bahay na may kubyertos ka, ibig sabihin ay nagiging mariwasa ka na sa buhay. Kaya huwag kang magtaka kung bigla ka na lang maisipang dalawin ng mga dating nang-iisnab sa 'yo. Ayon naman sa teyorya na base sa biro ng mga pseudo-environmentalists (aka mga green ang utak), kaya daw tinidor pag lalake kasi ang lalaki daw ay mahilig manu—o sige, ititigil ko na. Itanong mo na lang sa mga berde ang utak ang iba pang detalye.

10. Bawal kumain ng kinainan o pagkaing kinagatan ng buntis dahil magiging antukin
  • Marahil, nagsimula ang pamahiing ito sa mga nakakaranas ng Sympathetic Pregnancy o Couvade kung saan ang magiging tatay ay nagpapakita ng sintomas na makikita sa mga buntis tulad ng pagsusuka, pagkahilo at pagkahilig sa mga kakaibang pagkain tulad ng manggang hilaw. Normal lang ito, ayon sa mga siyentipiko lalo sa mga first time na magiging tatay--pero kapag ang kapitbahay o kumpare ang nagpakita ng ganitong sintomas, hmmm....
Sa dami ng pamahiin na hanggang ngayon ay pinaniniwalaan at sinusunod natin, mukhang matatagalan pa bago gibain ang mga kaugaliang ito ng makabagong panahon. Marami tayong mga pamahiin, mas marami pa sa sapatos ng sosyalerang misis ni Apo Makoy. Tanong mo kung matatanggal pa ba ito, aba teka sandali lang at kukunsulatahin ko muna ang bolang kristal ko.

Lunes, Marso 31, 2008

Buhay Amerika


Ang munting sanaysay na inyong mababasa ay nilikha ng kaibigan kong si Nomel na matagal nang naninirahan sa Amerika at ngayong patuloy pa rin ang pagpunta ng mga Pilipinong manggagawa sa bansa ni Uncle Sam, eto ang mensahe nya matapos makita ang katotohanan sa likod ng "American Dream":

Akala ng mga tao na nasa Pilipinas kapag nasa America ka akala nila madami ka ng pera.
Ang totoo, madami kang utang, dahil credit card lahat ang gamit mo sa pagbili mo ng mga gamit mo. Kailangan mo gumamit ng credit card para magka-credit history ka, kase pag hindi ka umutang o wala kang utang, hindi ka pagkakatiwalaan ng mga kano . Pag wala kang credit card, ibig sabihin wala kang kapasidad magbayad.

Akala nila mayaman ka na kase may kotse ka na. Ang totoo, kapag hindi ka bumili ng kotse sa America maglalakad ka ng milya-milya sa ilalim ng init ng araw o kaya sa snow. Walang jeepney,
tricycle o padyak sa America.

Akala nila masarap ang buhay dito sa America . Ang totoo, puro ka trabaho kase pag di ka nagtrabaho, wala kang pangbayad ng bills mo sa kotse, credit card, ilaw, tubig, insurance, bahay at iba pa.
Hindi ka na pwedeng tumambay sa kapitbahay kase busy din sila maghanap buhay pangbayad ng bills nila.

Akala nila masaya ka kase nagpadala ka ng picture mo sa Disneyland, Seaworld, Six Flags, Universal Studios at iba pang attractions. Ang totoo, kailangan mo ngumiti kase nagbayad ka ng $70+ para makarating ka dun, kailangan mo na naman ang 10 hours na sweldo mong pinangbayad sa ticket.

Akala nila malaki na ang kinikita mo kase dolyar na sweldo mo. Ang totoo, malaki pagpinalit mo ng peso, pero dolyar din ang gastos mo sa America . Ibig sabihin ang dolyar mong kinita sa presyong dolyar mo din gagastusin. Ang P15.00 na sardinas sa Pilipinas $1.00 sa America, ang isang pakete ng sigarilyo sa pilipinas P40.00, sa America $6.50, ang upa mo sa bahay na P10,000 sa Pilipinas, sa America $1,000++.

Akala nila buhay milyonaryo ka na kase ang ganda ng bahay at kotse mo. Ang totoo milyon ang utang mo. Ang bago mong kotse 5 taon mong huhulugan. Ang bahay 30 taon mong huhulugan. Ibig sabihin, alipin ka ng bahay at kotse mo.

Madaming naghahangad na makarating sa America. Lalo na mga nurses, mahirap maging normal na manggagawa sa Pilipinas. Madalas pagod ka sa trabaho. Pag dating ng sweldo mo, kulang pa sa pagkain mo. Pero ganun din sa ibang bansa katulad ng America. Hindi ibig sabihin dolyar na ang sweldo mo, yayaman ka na, kailangan mo ding magbanat ng buto para mabuhay
ka sa ibang bansa. Isang malaking sakripisyo ang pag alis mo sa bansang pinagsilangan at malungkot iwanan ang mga mahal mo sa buhay. Hindi pinupulot ang pera dito o pinipitas. Hindi ako naninira ng pangarap, gusto ko lang buksan ang bintana ng katotohanan.

Linggo, Marso 30, 2008

Kagandahan at Kabobohan

“And now here is my secret, a very simple secret; it is only with the heart that one can see rightly, what is essential is invisible to the eye.”

Ito ang isa sa pinakamemorableng katagang makikita sa librong "The Little Prince" ng Pranses na manunulat na si Antoine de Saint Exupéry. Kahit ang tagal tagal nang nalathala ang librong ito at ilang beses na napatunayang totoo ito, hindi pa rin nito matibag-tibag ng tuluyan ang pagpili ng mga tao base sa pisikal na anyo.
Malamang hanggang ngayon eh alam na alam pa rin natin ang ginawang "pagkakalat" ng isang kandidata na sa kalaunan eh napili pang kumatawan sa bansang Pilipinas sa nalalapit na pandaigdigang paligsahan. Sa pag-lilibot ko sa internet, buhay pa rin ang debate tungkol sa pagpili sa kanya. Ayon sa mga kontra sa kanya, halatang sa ganda lang idinaan kung bakit sya napili. Kung dangan naman kasing sana pinili na lang nyang sumagot sa wikang Tagalog, mas magiging maganda pa daw ang pagkakasagot nya at hindi sya lalabas na katawa-tawa.
Ayon naman sa mga panig sa kandidata (maging sya rin mismo), may dahilan kung bakit naging ganun ang sagot nya. Una daw, ninerbyos daw sya dahil guwapo daw ang nagtanong sa kanya at dahil rin sa pagkagulat dahil nasama pa sya sa taf ten (ayon mismo sa kandidata).
Ang tingin ko lang, WALANG EXCUSE SA NANGYARI. PERIOD.

Kalaunan, ang debateng ito eh umabot sa aming dalawa ng kuya ko.

Ako: Nakakahiya talaga itong si (pangalan ng kandidata). Magmilagro sana na hindi sya magkalat dun sa contest!
Brod: Tange! Eh paano kung manalo yan? Eh di tameme ka?
Ako: (di nakasagot)

Syempre, simula siguro sa pagkakabuo ng tao, mas pipiliin nila ang isang bagay na maganda sa paningin. Ayon sa kuya ko, kinuwento sa kanya ng kaibigan nyang taga-HR Department ang sikretong dahilan: Kung maganda ang makikita mo sa paligid mo, magiging maaliwalas ang pakiramdam mo. Pero kung bad trip ka na nga sa trabaho at pangit pa ang nakapaligid sa yo, eh baka mamaril ka na!

Dun sa kandidatang sinasabi ko, sana nga eh magiging maingat sya sa pagsagot dun sa paligsahan dahil hindi lang sarili nya ang malalagay sa kahihiyan kundi maging ng bansa natin. Dats ol, I tenk yu!

MM sa Beauty Pageant


Dream Blog1:
Eto ang unang beses kong gumawa ng dream blog. Ganito ang nangyari:

Pagmulat ko ng mata ko, nakita ko na lang ang sarili ko sa entablado at maraming tao sa audience. Nung makita ko na may nakatayong mga babaeng nakaayos at nakasuot ng gown, naisip ko agad:
"Wawi! Nasa beauty contest ako!" at tuwang-tuwa pa ako dahil sigurado ako, kandidata din ako. Biruin nyo, at least sa panaginip eh nasama ako sa beauty contest. Ano kaya itsura ko?
Magtatanong sana ako sa katabi ko kung okay ang ayos ng buhok ko nang magsalita yung isa sa mga taong nakaupo sa table malapit sa audience:
"Okay, Paolo, let her choose a judge."
Ngek! Si Paolo Bediones pala ako! Kaya pala ang presko ng batok ko yun pala eh lalaki ako. Buwisit!

Kahit na gusto kong magwala dahil kahit sa panaginip eh hindi man lang ako nasama sa beauty contest, pinilit ko na lang ang sarili kong ngumiti at pinakuha ko ng card ang babae. Hindi ako nakinig sa mga sagot niya dahil sa pagkasuya ko. Nang marinig kong tapos na yung babae sa sagot nya, nag-tenk yu ako sa kanya at sunod eh tinawag ko na ang kasunod.
Siyempre, konting bolahan muna ang ginawa namin bago ko makuha yung pangalan ng magtatanong sa kanya (sa oras na yun gusto ko nang umiyak sa pagkasuya ng sitwasyon ko). Nang tinanong sya ng isang babaeng judge tungkol sa pamilya nya.

Kandidata: Well, my family’s role for me is so important b’coz there was the wa- they’re, they was the one who’s… very… Hahahaha… Oh I’m so sorry, Ahhmm… My pamily… My family… Oh my god… I’m… Ok, I’m so sorry… I… I told you that I’m so confident… Eto, Ahhmm, Wait… Hahahaha, Ahmmm, Sorry guys because this was really my first pageant ever b’coz I’m only 17 years old and ahahaha I, I did not expect that I came from, I came from one of the tough 10. Hmmm, so… but I said dot my family is the most important persons in my life. Thank you.

Ewan ko pero mukhang nag-brownout ang paningin ko at napasigaw ako dahil di ko mapigilan ang sarili ko.
IS THAT ALL?! THIS IS THE PHILIPPIIIIIIIIIIIIIIINES!

Sabay tadyak sa kanya.

Ayun, pagkatapos eh, nagising na ako na naliligo sa pawis.
Pinanata ko na sa sarili ko, sa susunod, HINDI NA AKO MANONOOD NG BEAUTY CONTEST PAGKATAPOS MANOOD NG DVD NG 300.

Linggo, Marso 23, 2008

Hapi Istir!

Hapi Istir! Hapi Istir! Hapi Istir tu ul!
Eto ang bati sa kin ng isang ale na sa tunog eh galing sa isang probinsya sa katimugan. Akala ko eh eh iniistir ako, yun pala binabati ako dahil ngayon Easter Sunday. Sa mga taimtim na ginunita ang semana santa, hudyat ito ng pag-gunita sa pagkabuhay muli ni Jesu Kristo. Sa mga nagtatrabahong katulad ko at ilang mga estudyante may summer classes, hudyat ito ng pagtatapos ng isang mahabang bakasyon at balik na naman sa mga iniwang trabaho, assignment, school project at ilang mga problema sa buhay.
Kanina, nagsimba kami ni Brod sa isang malaking simbahan na sakop ng Paranaque. Ilang beses ko nang napansin yung banner sa may harapan kung saan "ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo" ay kasamang nakasulat. Sa totoo lang, kahit deboto ako sa relihiyon ko, hindi talaga ako makumbinsi ng mga pari't mangangaral na sumali sa rally "daw sa katotohanan" nila. Hello, sino ba naman kasi itong binabandera nilang whistleblower daw ng katotohanan na animo'y talo pa ang sikat na matinee idol na nagmo-mall tour kung iparada sa simbahan? Eh salita lang niya ang pinanghahawakang katibayan ng pagsisinungaling at panloloko ng pamahalaan. Posible ngang may ginagawang kalokohan ang pamahalaan at hindi malayong totoo ang paratang nya. Pero, mas pinaniniwalaan ko ang paniniwala ni Gil Grissom: "I tend not to believe people. People lie. The evidence doesn't lie." Saka, sa tagal na ng pagro-road show ng whistleblower na ito, kahit minsan, wala pa akong narinig na namahagi sya ng kayamanan niya na tingin ko'y laksa-laksa sa dami dahil nakakaya pa niyang gumastos sa paglalaro ng golf na ang membership fee sa isang club ay kasinghalaga ng 2 taong sweldo ng isang ordinaryong tao.
Sa isang katulad kong galing ng eskwelahang hawak ng mga madre, normal na activity na sa 'min ang sumasali sa ganito kapalit ng ipinangakong mataas na grade sa conduct.

Sister: Class, tomorrow, we'll attend the rally.
Students: Yes, sister.
Sister: Ang hindi sumama, hindi makakakuha ng grade na 85 sa conduct.
Students: Yes, sister.

Ang siste, parang small scale blackmail ang ginagawa ni Sister para lang makahakot ng sasama sa kanilang mag-rally. Syempre, ang mga butihin pupils, sasama sa rally para lang sa tumataginting na mataas na grado kesehodang mabilad sila sa araw, tumambay sa maalikabok na kalye, at masalang sa sitwasyong may posibilidad na maging delikdado. Ang kaso, minsan, talo pa nina Sister ang mga pulitiko na pagkatapos ng pagsali sa rally, wala rin ang pinapangakong grade--nakasulat lang pala sa tubig. Istiran lang ang nangyari.
Naalala ko rin yung drama ng mga estudyante sa State U dyan sa bandang Kyusi. Asan na kaya sila at biglang tumahimik ang mga umaapilang ma-impeach ang presidente. Siguro lang dahil tapos nang mamigay ng grades ang mga nagpasimunong prof. At malamang--at sigurado--BAKASYON NA! Kung ikaw ba namang estudyante, mas pipiliin mo bang magbilad sa araw sa isang kalye ng syudad kesa magbilad sa may beach? Kahit iskul bukol na estudyante, hindi papatol sa pagsali sa rally sa ganitong panahon lalo pa't gagamitin lang sila ng ilang pulitiko at matataas na tao para sa pansariling interes.
Sa panahon ngayon, hindi na ako basta basta naniniwala sa mga nagra-raling yan lalo yung nagra-rally sa mga embahada. Pustahan, pag biglang naging madali ang pagpunta sa ibang bansa, baka mas mauna pa sila sa pila (kasi nga nasa harapan na sila ng embahada!).

Sana naman, ngayong Easter Sunday, iba naman ang pagtuunan ng simbahan at ng karamihan sa atin. Sana ang pagtuunan naman natin ay kung paano pagtutulungang babaguhin ang sarili, linisin ang narumihang kapaligiran, tulungan ang mga maysakit, at labanan ang problema sa droga.
At sana hindi lang tayo salubungin ng "Istir Unly!"

Lunes, Marso 10, 2008

Radyo Sitsiritsit Update: Panibagong Rally ng mga Call Center Agents


Flash balita mula sa Radyo Sitsiritsit (Background voice na sasabat: "Alibambang!")

Reporter: Eto na naman po ang isang nagbabaga at nag-aalimpuyong news flush mula sa Radyo Sitsiritsit--
(sabatero sa background: Alibambang!)

Noong isang madaling araw, naglunsad ng kilos protesta ang mga Call Center agents na tumagal ng 15 minutos bago sila nag-uwian at nagkayayaan sa Starbucks.
Ngayon naman, muli na naman silang maglulunsad ng kilos protesta. Para sa mga detalye, narito si Kiko Cuento-Cuchero. Pasok!

KCC: Tama ka dyan repapips! Muli na namang maglulunsad ng rally ang mga Call Center agents. Tila yata marami pa silang nais iparating sa ating pamahalaan maliban sa mataas na pasuweldo, murang halaga ng bilihin at discount sa mga coffee shops at eyebag reducing creams. Aalamin natin ang sanhi ng kanilang hinaing. Sir! Sir! Pwede mainterview kayo?

Lalaki: I'd rather use my civil rights not to speak and divulge our plans in order to save myself from humiliation and shallowness of our mundane ideas.

KCC: (napahiya ata) Ahehe...thank you na lang po. Hanap na lang tayo ng iba...(medyo pabulong) yung kaya nating makasabayan sa pagsasalita. Teka, brod, sino ba ang lider nyo dito?

(Lalaki na medyo malayo sa mic na nangunulangot habang ngumangasab ng inihaw na mais: "Oist, sino daw ang lider ba dito?" na sinagot naman ng marami "Si ano...oy, tawagin nyo nga si kwan...")
KCC: Ah, sandali lang repapips at tinatawag lang nila ang kanilang lider. Sana naman hindi feeling Inglesero at baka dagukan ko lang. Teka, eto na yata siya eh. Ehem! Brod, pwede ka bang ma-interview saglit?

Lalaki: Um, sure.

KCC: Ah, ibig kong sabihin eh pwede ka bang ma-interview sa Tagalog?

Lalaki: Sige po.

KCC: Alam ng ating mga kababayan ang ginawa ninyong rally noong nakaraang linggo. Ngayon naman, may panibagong rally naman kayo. Ano ang nais nyong iparating ngayon sa inyong rally sa pamahalaan?

Lalaki: Sa pamahalaan? Wala.

KCC: W-wala?! Eh bakit kayo magra-rally?

Lalaki: Kung matatandaan po ninyo, noong isang linggo, pagkatapos ng rally namin, nagkaroon ng rally dyan sa main road na pinamumunuan ng panot na chekwa. At dahil doon, nagkaroon ng matinding traffic. Kaya ngayon, NGAYON! Kaya kami nagrarally para iprotesta ang naturang rally! Dahil sa kanila marami sa amin ang na-late sa trabaho! Yung iba sa min, nakulangan ng tulog kaya parang double chin na ang kapal ng eyebags! Iboykot ang mga raling yan!!

(mga tao sa background: IBOYKOT! IBOYKOT!)

KCC: Narinig nyo yun repapips? Buweno, eto po si Kiko Cuento-Cuchero para sa Radyo Sitsiritsit, nag-uulat at naguguluhan.

Sabado, Marso 1, 2008

Rally. Raliyista. Rally Ulit

Laman pa rin ng balita ang on-going na mga rally dito sa bansang Pinipingas. Rally. Isa ito sa mga legacy ni Apo Makoy na kahit frozen delight na sya sa kristal na kabaong na pinagawa ng kanyang sosyalerang misis, ito pa rin ang isa sa mga naitanim nyang malalim sa mga Pinoy. Alam nyo, sa dami na ng mga demonstrasyon dito sa mga kalye ng Pinas, minsan naiisip ko na lang na wala silang pinagkaiba sa mga paradang pangkasiyahan. May mga taong nakangiti na talo pa ang commercial model ng toothpaste sa ningning ng pagpapakita ng kanyang "pearly half-whites" at meron pang kakaway-kaway na talo pa ang mga nasa beauty pageant.
Pero kahit ano pa ang rally ngayon dahil lang sa onsehan at sulutan sa kontrata, tingin ko--tingin ko lang ha--malabong mapababa pa natin ngayon ang nakaupo. Bakit kanyo? Kasi kanina, mahaba pa rin ang pila sa taxi at ATM, siksikan sa bus at iba pang pangpublikong sasakyan, maraming nag-shopping. At ang kapansin-pansin, hindi sarado ang mga malls at tuloy pa rin ang buhay sa karamihan sa atin.

Lunes, Pebrero 25, 2008

Telebabol ng Telenobela, Telepantasya, Telesine at kung anu-ano pa...

Simula pagkabata, nakamulatan ko na tuwing tanghali o kaya tuwing gabi (madalas, bago at pagkatapos ng balita) ay nakabukas ang TV namin at ang palabas ay soap opera. Oo, soap opera pa ang tawag sa palabas kung saan tadtad ng iyakan, sampalan, sabunutan, awayan, trayduran at syempre, love story. Ayon sa Wiki, kaya daw "soap opera" ang tawag sa mga palabas na madrama ay dahil sa ang mga sinaunang palabas ay madalas na sponsor ang mga pagawaan ng sabon tulad ng Procter and Gamble, Colgate at iba pa.
Dito sa Pilipinas, naging parte na ata ng kultura natin ang palabas na inaapi ang bida at nuknukan ng kasamaan at minsan, humahalakhak pa na parang demonyo ang kontrabida. Hindi ko alam kung ano ang pinakaunang Pinoy soap opera pero ang naabutan ko ay ang mga soap opera na umiikot sa mga naulilang batang babae na inaalila tulad ni Anna Liza o kaya ni Flor De Luna (pambihira! Nalalaman na ang edad ko!). Dahil sa pagkahumaling ng mga Pinoy magpasahanggang ngayon sa soap operas, sumikat ang mga artistang tulad nina Julie Vega, Janice De Belen at sa bagong panahon, sina Judy Ann Santos, Angel Locsin, Marian Rivera, Sunshine Dizon, Kristine Hermosa, Bea Alonzo at iba pa.
Nung dumating ang mga soap opera galing sa ibang bansa, na sinimulan ng "Mari Mar" ni Thalia (sabay-sabay: Mari Mar, aww!), ang soap opera, bininyagan na ng pangalang "Telenobela" at kung dati noon, inaabot ng ilang taon ang takbo ng istorya (kadalasan, inaabot ng pagdadalaga at pagbibinata ang mga batang bida) ngayon, dala ng mabilis na takbo ng istorya ng Mari Mar, Maria Mercedes o ng Monica Brava, nagkaroon ng "fast forward" mentality ang drama. At hindi lang dyan natapos ang pagbabago, hinaluan din ng konting pantasya. Ang bidang babae, hindi lang basta-bastang ulilang lubos o nawalay sa magulang kundi may halong lahing alien, taong-ibon, madyikero (nung panahong sumikat si Harry Potter) o kaya'y sinumpa diumanong maging sirena, syokoy, o pangit. Ang telenobela, tinawag na namang telepantasya o pantaserye. Nung mag-asawa si Thalia at nagsawa na ang mga Pinoy sa mga itsurang Latino at mestisa, nabaling naman ang tingin natin sa mga singkit. Nung 2003, naipalabas at sumikat ang "Meteor Garden" ng Taiwanese na grupong F4 (FYI: JVKV na ang tawag sa kanila ngayon dahil hindi na sila pinayagan ng Japanese na may-ari ng "Hana Yori Dango", kung saan ibinase ang istorya ng "Meteor Garden", na gamitin ang F4 dahil nakakabit yun sa grupo ng nasabing istorya). At hindi lang sa mga chekwa tayo nahumaling, sumunod naman ang mga gawang Koreano na magpasahanggang sa sinusulat ko ito, tadtad ng mga ganitong palabas sa GMA 7 at QTV 11. Kung Chinovela ang bansag na binigay sa gawang chekwa, Koreanovela naman ang tawag sa galing sa Kimchi republic. Sa totoo lang, kahit pa saan pang bansa manggaling ang magiging hit sa mga Pinoy na adik sa iyakan, sampalan at love story, sigurado akong hindi pa rin mawawala ang pagkagusto nila sa gawang sariling atin.
May isa lang akong napapansin na kaletsehang nagaganap sa "remake" o kaya'y "spin off" ng mga Pinoy networks sa mga gawang abroad. Tulad na lang ng nangyari sa Princess Sarah at sa diumano'y mga apo ni Shaider. Duon sa Princess Sarah, ang Indian na tumulong kay Sarah, iniba at ginawang si Ai Ai Delas Alas na galing sa Ungga Ungga tribe na ewan. Tapos si Miss Minchin, naging sugarol? Ano ba yan?!
TAPOS ANG PINAKAMALAKING KAULULAN SA KASAYSAYAN NG TELEBISYON SA PILIPINAS--ang pagbabalat-kayo ng isang madrama at napaka-korning soap opera bilang isang action-drama-sci fi series. Basahin nyo uli, action-drama-sci fi. Kalokohan! Isang malaking kalokohan!!
Ang sinasabi ko ay ang walang kwentang Zaido na hanggang sa ngayon ay kumukulo pa rin ang dugo ko pag naaalala ko ang ginawa nilang paglapastangan sa alaala ng Shaider. Noong ipapalabas pa lang ito, panay ang bandera ng network na napakaganda ng pagkakagawa nila sa "spin off" at mga "taga-kabilang network" lang ang magsasabing pangit ito. Pero nung kalaunan, nakita rin na bukod sa napaka-pangit ng mga costumes, mas natatabunan ng mga love triangle-nawawalang anak-anak sa labas ni ganito si ganun formula ang mga maaksyong eksena. Bagay na pangunahing feature ng Tokusatsu shows na kinabibilangan ng Shaider. Ang lakas pa ng loob ng istasyon na sabihing pinapalabas din ito sa ibang bansa tulad ng Japan. Pasalamat na lang siguro tayo at hindi naisipan ng Japan na ipasugod tayo sa mga samurai, ninja at Kamikaze planes dahil sa pambababoy na ginawa ng Zaido.
Minsan, naiisip ko kung tulad din ng mga nagsisipag-abroad na professionals, nagkaroon na rin ng "brain drain" sa mga writers. O naging tanga lang ang mga Pinoy na manonood?
Sana naman hindi iyung huli ang totoo.

Sabado, Pebrero 23, 2008

Radyo Sitsiritsit Balita: Rally Laban sa Administrasyon, Ikakasa!!

Announcer: Balita mula sa Radyo Sitsiritsit (may sasabat sa background: Alibambang!) hatid sa inyo ng Shaolin Katol! Sa panahon ngayon, protektahan ang sarili laban sa mga lamok! mag-Shaolin Katol! Sa Shaolin Katol, patay ang lamok, patay rin kayo!

Reporter: Mga nagbabalibagang mga balita! Parami ng parami na ang sumasama sa protesta laban sa gobyerno na nagsimula lang sa pagpiyok ng isang panot na chinoy na nadenggoy sa negosyo at nalugi sa bentahan ng mga pekeng laruan!
Ngayon naman, may bagong grupong magrarally sa Mendiola para piliting bumaba sa posisyon ang pangulo. Kamakailan, nag-anunsyo ang pinakamalaking grupo ng Call Center agents ng plano nilang mag-welga. Ang planong pag-aaklas ay bunsod ng patuloy na paghina ng ekonomiya ng Amerika na nagiging dahilan ng paghina ng industriya ng Call Centers sa bansang Pinas. Nang aming tanungin kung ano ang kuneksyon nito sa gobyerno, ang sagot ng nagpapanggap na pinuno ay "ewan." Maliban dito, inerereklamo nila na kung hindi dahil sa talamak na pagkuyog ng mga credit card companies sa mga kawawang Call Center agents, hindi na sana nababaon sa utang ang karamihan sa kanila.
Kung kaya't hinihikayat nila sa kung sinuman ang gustong sumali, mangyari lamang na pumunta po sa Quirino Grandstand para dun mag-ipon ipon.
Magsisimula ang rally ng alas dos ng madaling araw dahil karamihan sa nasa Call Center ay tulog sa umaga at ang rally ay mangyayari sa loob lamang ng kinse minutos dahil 30 minutes lang ang break time sa Call Center at kailangan bumalik agad sa trabaho.

Sabado, Pebrero 16, 2008

Trapik Blues

Ang sanaysay na ito sinulat noong intern pa ako.

Sa araw-araw na biyahe ko, mula sa bahay hanggang sa eskuwelahan, hindi ko maiwasan ang maubusan ng masasakyang jeep. Ang dahilan--maraming jeep ang umiiiwas sa trapik (sa tamang gamit sa Ingles, traffic jam) na minsan ay sa sobrang tagal, pwede ka nang tubuan ng lumot sa katawan. Pero, tingin ko, lahat naman ng gumagamit ng kalye ay nata-trapik, ah.
Maaari nating ibunton ang sisi sa mga depektong traffic lights at sa mga pulis trapiko. Tungkol sa mga pulis trapiko na yan, hindi natin maa-underestimate ang ginagawa nila. Totoo yan dahil sino ba naman ang magtitiyagang tumayo sa kalsada na minsan nabibilad sa araw na parang daing o nauulanan (exempted dito ang mga traffic enforcers na nakatambay lang sa karinderya at nagpapalaki ng tiyan at sasabak lang sa kalye para mangotong sa mga driver), nag-uutos sa daan-daang sasakyan gamit ang silbato at mga de-manong senyas, nanghuhuli at nangunguha ng lisensya ng mga driver na buwakaw sa daan at naninigaw sa mga mala-stuntment/women na pedestrians na tumatawid sa gitna ng kalye ng walang pasubali o kaya'y ang araw-araw na makalanghap ng maitim at maruming hangin (na sa buong araw na pagtayu-tayo sa kalye ay nagiging mas tisoy pa ang ita kesa sa yo) ng siyudad. Sa araw-araw na nakakakita ako ng mga traffic enforcers, maihahalintulad ko sila sa mga nasa gobyerno natin. Mga nagpapatupad at nag-uutos ng batas sa ilang kumpas ng kamay.
Ano nga kaya ang itsura noong dekada 70? Matrapik din kaya tulad ng nararanasan natin ngayon? Masikip din ba ang mga kalsada dahil sa mga ginagawang konstruksyon? Sumusunod kaya ang mga tao noon sa mga pulis trapiko ng may takot gaya ng pagsunod nila kay Apo Makoy? May road rage na ba ang mga driver noon tulad ngayon? Ewan ko dahil hindi ko naman inabot ang dekadang yon pero nakakatawang isipin na sumusunod lang tayo sa mga nagta-trapiko kung may paghihigpit pero ngayong malayo na tayo sa diktaturya, saka naman tayo naging mga sari-sarili nating mga diktador na walang pakialam sa iba basta makapunta lang sa dapat paroonan.
Ngayon, hindi ko mainitindihan kung malaya ba talaga tayo dahil nakakulong pa rin tayo sa ating mga kabalbalan at kabuwakawan. Gaya ng trapik.
Hoy, umandar na tayoooo, ano baaa???!!!

Linggo, Pebrero 10, 2008

Progress Report

Kung inyo pong mapapansin, nagdagdag ako ng sinasabing "widgets" at "feedburner". Ayon sa website ng Feedburner, para daw mas magandang tingnan ang Metal Hospital at para daw dumami ang magpuntang pasyente dito. Hehehe...
Anyway, enjoy na lang muna sa pagbabasa at marami pang case reports na darating.

Sabado, Pebrero 9, 2008

Ang Pinakamalalang Sakit

Sa ordinaryong tao, nakakatakot isipin ang mga bagong sakit na nagsusulputan sa panahon ngayon. Noon, nagkaroon ng Bubonic Plague, sakit na nanggaling sa mga daga, na rumagasa at halos ubusin ang buong Europa noong 1300's. Tapos, nitong mga dekada 70, napabalita ang AIDS virus na kumikitil pa rin ng buhay hanggang sa ngayon. SARS, Ebola, Leptospirosis, Avian Flu--yan ang ilan sa maraming sakit na kinakatakutan. Ang totoo, meron pang isang napakalalang sakit na marahil hindi natin napapansin o kung napapansin man ay ipinagkikibit-balikat na lang.
Ang sakit na ito ay mas malala dahil walang pasilidad ang may gamot sa ganitong sakit--lalung lalo na kung walang kooperasyon sa parte ng may ganitong sakit.

Katangahan.

Ito ang sinasabi kong sakit na walang gamot lalo kung hindi ito binibigyan ng importansya lalo ng mga taong malapit sa biktima. Merong ospital para sa mga sakit ng katawan tulad ng lagnat, pulmonya at meron ding ospital para sa mga sakit ng kaisipan (aka mga may tililing sa utak) tulad ng schizophrenia at dementia.
Pero, meron ka na bang narinig na ospital sa katangahan? Wala.
Isipin nyo na lang, may isang lalaking nasagasaan dahil pinilit nyang tumawid sa highway. Oo, sa isang bahagi ng kahabaan ng EDSA, kung saan may napakalaking karatulang kulay pink na nagsasabing "NAKAMAMATAY ANG PAGTAWID DITO.", may tumawid na lalaki--at tila isang komedya para kina Kamatayan at San Pedro dahil nasagasaan ang naturang lalaki. Katangahan? Natural. Dahil sa di kalayuan, may isang overpass na nakatayo kung saan maraming naglalakad at patuloy sa kanilang sari-sariling buhay at destinasyon.
Sa Amerika, may nagpasimuno ng Darwin Awards, na nagbibigay parangal (parangal nga ba?) sa mga taong namamatay, muntik mamatay o nawalan ng kapasidad na ipagpatuloy ang lahi dala ng katangahan. Pag nagkaroon kaya ng ganito dito sa Pilipinas eh, ano kaya ang magiging epekto nito? Makakabawas din kaya ito sa katangahan ng mga Pinoy o baka magkaroon pa ng Pinoy Chapter ang Darwin Awards?
Sakit ba ito kamo? Oo, dahil tulad ng pulmonya, pwedeng maging ganito ang isang tao pag pinapabayaan lang ito hanggang sa maging malala at magdala ng kapahamakan. Para rin itong
hypertension (o "high blood") at hika kung saan maaaring maipasa ng magulang sa mga anak kung ito'y babalewalain. Kung hahayaan ng magulang na mamuhay sa katangahan at kawalan ng ambisyon ang kanilang mga anak, dadami lang ang mga taong tambay at pabigat sa lipunan.
Ayon kay Jose Rizal, korapsyon ay ang kanser ng lipunan. Kanser na lumalala dahil lang sa katangahan ng mga tao (lalo na yung tinatawag na "masa") na hinahayaan lang na gamitin sila ng mga taong walang ibang iniisip kundi pansariling mga interes lamang. Hanggang ngayon, tanga pa rin tayong mga Pinoy. Sayang, dahil tulad ng AIDS at kanser, wala pa ring gamot sa katangahan.

Martes, Pebrero 5, 2008

Radyo Sitsiritsit: Drama Programs

Announcer: Welcome po sa ating mga tagapakinig ng Radyo Sitsiritsit
(may sasabat na background voice: Alibambang!) Ang namamayagpag na istasyon na umbag ng saya!
(sound effects ng mga sumisipol at pumapalakpak: Witwiw!! Klap! Klap! Klap!)
Ang mga susunod na programa ay ang paborito ninyong lahat lalung lalo ng scriptwriter at ng kanyang kapatid sa Mandaluyong. Eto ang dapat ninyong pakaabangang mga tagpo!

Announcer na lalaking malagom ang boses: SUSUNOD! Ang programang pupukaw sa inyong damdamin at magpapa-agos ng inyong mga luha at uhog: KINUHA MO ANG LAHAT SA AKIN!

Nag-aalimpuyo ang damdamin ni Valeria Sulasok, ang kontrabida, sa ating napakagandang bidang si Maria Extasia.

Valeria: Noong grade school tayo, kahit mayaman kami at mahirap ka lang, naungusan mo ako sa grades dahil nahuli akong nangongopya! Nung high school tayo, natalo mo pa rin ako dahil kinuha mo ang kaisa-isang knitting needle na kailangan ko para sa project natin sa Home Economics! Ngayon--NGAYONG COLLEGE! Talo na kita dahil mahihirapan kang matalo mo ako dahil bukod sa mahirap ka lang, AKO NA ANG MAY HAWAK SA BUONG RECTO! Kaya hindi ka makakahanap ng instant thesis, Maria Extasia! Ahahahahaha!!! (sound effect: kulog at kidlat)

Maria Extasia (tunog nagmamakaawa): Valeria! Huwag! Huwag mong gawin sa akin ito!
Patawarin mo ako!

Valeria: INAGAW MO ANG KNITTING NEEDLE KO--KAYA'T MAGBABAYAD KA!!!!
(overture orchestra music)

Announcer: Ano ang mangyayari kay Maria Extasia ngayong hawak na ni Valeria ang lahat ng tindahan ng thesis sa buong Recto? May mahanap kaya siya sa bandang Raon? Abangan sa kapanapanabik na: KINUHA MO ANG LAHAT SA AKIN!

Pagkatapos, inyo namang matutunghayan ang isa pang programa ng pag-ibig, pag-ibig at maraming ma-ek ek na pag-ibig. Ang...PAG-IBIG MO ANG KAILANGAN KO.

Si Dr. Victor Patriotiko ay gusto nang putulin ang lihim na pag-iibigan nila ng kanyang pasyenteng si Anna Preciosa.

Victor: HUWAG MO NA AKONG YAKAPIN, ANNA PRECIOSA! LUMAYO KA SA AKIN!
Anna: Huwag, Victor! Huwag mong gawin sa akin ito!
Victor: Anna Preciosa, kailangan na nating tapusin ang lahat sa atin! Baka nakakahalata na ang iyong asawa sa atin!!
Anna: Hindi ko kayaaa!! (sabay hagulgol) Kailangan kita, Victor! Huhuhu!!!
Victor: Ngunit, paano? Paano pa tayo makakapaglihim? Paano? Eh isa na lang ang ipin mo! Paano ko bubunutin yan?!!
(overture orchestra music)

Sabado, Pebrero 2, 2008

Utangero/ Utangera

Suweldo na naman. Ewan ko ba kung bakit biglang nawawala ang mga utangero at utangera pag ganitong panahon. Hindi ko tuloy malaman kung nagkakataon lang na nagkakasakit sila o schedule ng appointment nila sa alien at dinadala sila sa space ship pag ganitong panahon kaya bigla silang nawawala. Sigurado, aasahan kong pagkatapos ng tatlong araw ay bigla na naman silang magpaparamdam at magpapakabait--kahit hindi ko man lang sila ginagamitan ng mental telepathy eh bigla na lang silang magpapakita at magsasabing "hi!"
Bakit nga ba may mga mahilig mangutang? Sino ba ang unang utangero? Sina Eba at Adan o yung isa nilang barkada--ay oo nga pala, sila pa lang pala ang tao noon. Baka yung mga sumakay sa arko ni Noah kasi siyempre, kailangan niyang singilin ng upa yung mga nakisakay sa barko pero dahil naanod ng baha, credit muna at babayaran na lang pag nawala yung baha.
Walang ibang nakakainis sa mga utangero kundi yung mga klaseng ayaw magbayad. Yung mga klaseng gumagapang na nagmamakaawa na pautangin sila pero pag oras na ng bayaran ay biglang nagkakaroon ng amnesia. Ay naku, marami akong ganyang experience. Kung siguro buhay pa rin ang batas na kinukulong ang sinumang hindi makabayad, siguradong marami na akong naipakulong. Teka, baka mapuno naman ang mga kulungan dahil sa dami ng mga may credit cards na kuha ng kuha ng kung anong credit cards pero tatakbuhan lang pag dumating na ang bill. Pero, ano nga kaya kung buhay pa nga yung batas na yun, ano?

Huwebes, Enero 31, 2008

Kontrobersyal!

Tip sa mga sikat, gustong sumikat at hindi pa makuntento sa natatamasang kasikatan: Essential ang pagiging kontrobersyal.
Kung napaka-anghel sa bait ang lahat ng celebrity, ano na lang ang magiging silbi ng mga showbiz magasin? Pambalot ng tinapa? Pang-barbecue? Di ba mas nakakaluwa ng mata at nakakalikot ng isipan pag binalitang ang paborito mong child star noon ay babae na...babae rin ang hanap?
Isipin nyo 'to, matutuwa ka bang manood ng The Buzz o Startalk kung parating ang headline ay ang pag-graduate sa kolehiyo ng isang teenstar na may nakakabit pang Suma Cum Laude o si ganito ay naging ninong sa kasal ni ganun at sila ay nag-donate ng tissue paper sa mga mahihirap? Letse di ba?
Ano na lang ang magiging silbi sa mundo ni Paris Hilton kung hindi sya gagawa ng mga kahihiyan? Ang totoo, hindi sya papansinin o makakatuntong sa showbiz kung hindi sya binalitang isang malanding anak mayaman na gumon sa masamang bisyo.

Linggo, Enero 27, 2008

Ilang Pindot

Ang susunod na istorya na pinamagatang "Ilang Pindot" ay unang nailathala sa May 1997 edition ng San Marcelino Literary Folio ng Adamson University bago ako tumuntong ng kolehiyo. May ilang mga pagbabago akong ginawa dito kumpara sa nailathala sa Folio ngunit parehas pa rin ang paksa kung saan tinatalakay ang isang panganib na nagaganap sa panahon ngayon kung saan lahat ng tao ay nagkakakilala at nagkakausap sa pamamagitan ng Internet. Minsan, may magpapabago sa buhay ng isang tao...dahil lang sa ilang pindot.

Tak! Tik! Tak! Tak! Klik! Sige ang type ni Jerry sa kanyang computer habang sige rin ang patak ng pawis sa noo't leeg niya. Nasa katanghaliang tapat noon at kahit anong lakas ng aircon ay natatalo ito ng init ng panahon. Dalawang oras ng nakababad ang mga mata nya sa monitor ng computer at nagsu-surf sa Internet.
"Jerry! Anak! tawag ng kanyang ina. "Lumabas ka muna dyan at magtatanghalian na tayo!"
"Sandali lang ho," ang kanyang tugon. Makaraan ang ilang sandali ay tumayo sa kanyang inuupuan, pinatay ang computer at lumabas sa kanyang kuwarto.

Makalipas ang ilang minuto, binuksan uli ni Jerry ang computer at nag-log in sa Internet. Sinusubukan nyang makipag-chat ngunit mukhang walang may gustong makipag-chat sa kanya. Aalis na sana sya sa chatroom nang natigilan sya at napatitig sa monitor. Binasa niya ang nakasulat doon:
Hi! ctc?
Napangiti siya at nag-type ng ilang letra.
K! als pls.
Sumagot ang kabila.
20 Makati F
"Ayos." Bulong ni Jerry sa sarili. Lalo pa siyang natuwa nang nagpadala pa ng mensahe ang ka-chat:
I'm Robbie. Als pls.
18 Manila M. Im Jerry.
Lumipas ang ilang buwan ay palaging nakaka-chat na ni Jerry si Robbie. Sa isang call center daw nagtatrabaho ang dalaga at nakikipag-chat muna ito sa binata bago matulog. Minsan ay love at babe na ang tawagan na nila sa isa't isa na wari'y mag-nobyo pero sa panahon ngayon, uso naman ang mga nagkakakilala at nagiging mag-nobyo ang magka-chat.
Isang araw:
Babe, alam mo, gusto na rin kitang makita.
Wer u gus2?
Tumugon si Robbie: Kita n lng us s Burgr King s Mkti bandang 8 am. Mga 8 kc out ko e.

Natigilan si Jerry ng ilang sandali. Nag-isip. Maya-maya, isang munting ngiti ang sumilay sa kanyang labi saka pumindot ng ilang letra:

Cge.

Kinabukasan, alas-syete ng umaga. "Mukhang may lalakarin ka anak, a," wika ng ina kay Jerry nang mapansing ayus na ayos ang hitsura ng anak.
"Makikipag-kita lang po ako sa kaibigan ko, nay." tugon naman niya. Matapos ng ilang pagharap-harap at pag-ikot ikot sa salamin ay lumakad na ang binata.

Alas sais ng gabi. Isang dilaw na sasakyan ang pumasok sa isang motel. Isang taxi. Mula sasakyan ay lumabas ang isang lalaking nasa tatlumpu't lima na ang edad. Dahan-dahan, hinila niya ang isang walang malay na lalaki, mukhang mas bata pa sa kanya, at susuray-suray, kaakbay patungo sa loob. Habang tinatahak ang madilim na pasilyo ng motel, may nasalubong silang isang baklang mukhang nagtitinda ng panandaliang aliw.
"Sino yan?" tanong ng bakla sa lalaki habang nakasulyap sa kaakbay nitong walang malay na binatilyo. "Bagong biktima mo?"
"Alam mo naman pala, ba't nagtatanong ka pa?!" nakangiting tugon ng lalaki. Matapos mag-usap ng lalaki at nung bakla, nagpatuloy na sa pagtahak ng pasilyo
ang lalaki kaakbay ang walang malay pa rin nitong kasama hanggang sa makapasok sila sa isang kuwarto at sumara na ang pinto.

KREEEK! Dahan-dahang pumasok ng kanyang kuwarto si Jerry. Kakaiba na ang kanyang hitsura ngayon kaysa noong bago pa siya umalis ng bahay. Gusot-gusot ang kanyang polo at pantalon, gulong-gulo ang kanyang naka-gel na buhok at butil-butil ang pawis. Umupo siya sa kama, nang masulyapan ang computer.
Dahan-dahan at nanginginig ang kamay, binuksan niya ang computer. Nang mag-log in siya sa Internet, may nagpadala sa kanya ng message. Nagulat siya ng mabasa ang laman ng mensahe:

Nagustuhan mo ba ang ginawa natin? Sana gawin natin uli. BWAHAHAHAH!!!

Pagkatapos ay may lumabas na mga larawan. Larawan! Larawan ng kanyang hubad na katawan! Mga larawan ng kalaswaan at mga kasuka-sukang eksena!

Habol ang hiningang tumatagaktak ang malamig na pawis ni Jerry habang nakatitig sa monitor at ang kanyang isipan ay unti-unting nawala sa katinuan.

"PUTANGINA MOOOOOO!!!!!!" Isang ubod lakas na hiyaw ang pumuno sa kuwarto ni Jerry kasabay ng puwersahang paghugot ng monitor ng dalawang kamay at ubod nang lakas itong ihinagis sa bintana.
KRAAAASSS!! Basag ang salamin ng bintana habang tuluy-tuloy na bumulusok pababa ang monitor.

Pagkatapon sa monitor, habul-habol ang hininga ni Jerry kasabay ang paghagulgol, pagsisisi. Hindi niya alam na sa ilang pindot lang sa computer ay tinawag niya ang kapahamakan.

Sabado, Enero 26, 2008

Pilipinas 3000 A.D.: Second Installment (Not in Cash)

Pinakita sa akin ni Juliette kung saan na ngayon nakatira ang mga Pinoy sa panahong iyon. Nagpunta kami sa isang building na pahaba na itsurang barko sa malayo. May taas ito ng mga walong palapag.
"O, anong ginagawa natin dito? Mall ito di ba?" tanong ko.

"Oo nga, mall nga ito pero dito na rin nakatira ang mga tao."

"Ibig mong sabihin, sa mall na kayo nakatira?!" gulat kong tanong habang nakatitig sa building. Nagsisimula na akong mag-isip na baka nasisiraan ng bait ang baklang kasama ko nang may mapadaang school bus at mula sa mall ay may lumabas na mga bata na sumalubong sa bus.

"Aba, may mga bata..."

"Kitam? Kala mo nagbibiro ako, no?" natatawang sabi sa 'kin ni Juliette.

Habang papasok kami ni Juliette sa mall, pumikit ako dahil inaasahan kong marumi sa loob dahil doon na nakatira ang mga tao. Parang nung kapanahunang pinanggalingan ko kung saan nung marami nang tumirang tao sa Tondo, nagi na itong delikadong lugar na pinamumugaran ng mga adik, tambay, snatcher at iba pang masasamang elemento.

"Hoy gaga, anong ipinipikit mo dyan?" narinig ko ang boses ni Juliette sabay tapik sa balikat ko.

Pagmulat ko ng mga mata ko, halos lumuwa ang mata ko nang makita ko na bukod sa napakalinis ng nangingintab na tiled na sahig, malamig at mabango pa ang hangin sa loob.

"WOWWWW!!! Ang linis dito!"

"Gulat ka 'no? Di na ako magtataka."

"Anong hindi ka na nagtataka?--" magtatanong pa sana ako nang hawakan ako sa braso ni Juliette at niyaya akong tumapak sa isang kulay orange na tabla na kasya ang dalawang tao.

"Eeeeeek!!!" napatili ako nang umangat bigla yung tabla. Mahuhulog sana ako nang mahigpit akong hinawakan sa braso ni Juliette at inayos ang pagkakatayo ko sa lumulutang na tabla.

"Gaga, umayos ka kasi ng tayo at baka mahulog tayong dalawa!!"

"Shyet! Ano ba itong tinutuntungan natin?" habang pinipilit kong huwag masyadong tumingin masyado sa baba at baka malula ako dahil mga apat o limang talampakan ang taas ng pagkaka-angat ng tabla namin mula sa lupa.

"Ito po ang Tabla Porter, lola," sagot ni Juliette, "kaya ang linis-linis ng sahig dahil hindi tumatapak dun ang mga tao kundi nakasakay ang lahat dito."

Unti-unti ay nasanay na ako sa pagsakay sa Tabla Porter. Pagtingin ko sa harapan, nakita ko ang mga taong nakasakay sa mga tabla na may iba't ibang kulay.

"Wow, yung iba blue, yung iba pink o white ang kulay."

"Eh favorite ko kasing kulay ang orange kaya ito ang color." nakangiting sagot ni Juliette, "teka, bago kita i-tour sa mga apartment namin, kain na muna tayo."

"Okay, tamang-tama gutom na ako." Sa totoo lang, kanina pa kumakalam ang tiyan ko eh.
GWOOOOORK!! Pagsesegunda ng tiyan ko.

"Sige, kapit ka--LOOOLLLAAAAAA!!" at biglang bumilis ang lipad ng Tabla Porter.

"YAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAA!!!!"

(To be continued)

Pilipinas 3000 A.D.: Sibika at Kultura

"So ibig mong sabihin eh wala nang mutiny?" tanong ko kay Juliette habang naglalakad kami sa mall. Ito raw, ayon kay Juliette, ang bagong renovate na SM Mall of Asia na ngayon eh pinangalangang Mall of the Planet. Sa totoo lang, dito na raw kumukuha ng supply ang mga malls sa Europa.
“Tama ka dyan!” nakangiting sagot ni Juliette habang nakasakay kami sa TablaPorter. Tahimik lang ang takbo ng TablaPorter pero ang takbo ng bilis nito ay umaabot ng 100 mph. Ayon kay Juliette, tumatakbo ito at lumilipad dahil sa electromagnetic plates na nakalagay sa sahig mismo ng mall. Bibihira lang ang magkaroon ng kaskasero sa TablaPorter dahil may biometrics ang bawat tabla na naka-issue sa mismong may-ari kaya hindi pwedeng nakawin ang tabla at gamitin ng ibang tao. Kaya, ang sinumang magpatakbo nito ng ubod ng bilis ay siguradong makikilala. Napag-alaman ko rin na ang kainan ay nasa ground level at ang apartment ng mga tao ay ang mga basement floors (katumbas ng limang palapag mula sa level ng lupa) at ang parte ng mall mismo ay mula ground level hanggang sa 6th floor.

“Eh di wala na ring oposisyon?”

“Meron pero gaya ng sabi ko, yung mga tumatakbo sa halalan eh mga gusto talagang maglingkod. Kaya, magsalita man ang mga taga-Oposisyon, may sense di tulad nung 21st century. Hay naku, sa totoo lang, yung siglong yun ang tinatawag sa History class namin na 'Pinoy Dark Ages'!”

“Ngi, pero buti naman okay na ang lahat. Pero teka, ano bang nangyari dun sa mga nagkukudeta dati?"

"Sandali lang at kain na lang tayo dito sa Aling Ponyang's," at lumiko ang TablaPorter namin papasok sa isang malaking karenderya (tama, may karenderya sa loob ng mall na ito) na pinuputakti ng mga kostumer.

KARENDERYA NI ALING PONYANG. Yun ang nakalagay sa harapang menu board at nakasulat sa asul na apron ng mga service crew.

"Bakit dito tayo kakain? Wala bang Jollibee dito o McDo?" tanong ko habang palinga-linga at nakapila kaming dalawa sa pagkahaba-habang linya ng tao (na nakasakay rin sa kani-kanilang TablaPorter).

"Tsk tsk tsk! Ang dami mo talagang hindi alam," pailing-iling na sagot ni Juliette habang nakatingin sa akin na para akong ignorante.


"Bakit?"

"Lola, ito ang bagong flagship ng Filipino entrepreneurship. Ang karenderyang ito ni Aling Ponyang ang nag-absorb noon sa Jollibee at Philippine franchise ng McDo nung huling siglo."

"Ano?!!" Mygoodness, ano ang susunod nito? Kendi na gawa sa sili o PC na yari sa balat ng saging?

Sa wakas ay nakarating kami sa unahan at nakaharap ang kahera. Kahit naka-apron sya eh kitang kitang nakasuot sya ng baro't saya.

"Magandang tanghali bayan! Ano po ang tsitsibugin nila?"

Nauna si Juliette: "Isa ngang Gigi Combo Special at gulaman saka samahan mo ng Tokneneng sidedish."

"Gig Combo Special? Ano yun?" bulong ko kay Juliette.

"Yun ang pinaka-favorite kong kainin dito. Pritong galunggong, 2 tasang kanin, isang tasang laing at isang sinigang na manok tapos ang inumin, pwede kang pumili kung bottomless na gulaman or iced salabat. Teka, ikaw naman ang umorder."

"At sa inyo po binibini?" magalang na tanong ng kahera sa kin.

"Miss, gawin nyo nang dalawa," sagot ko.

Pumindot-pindot ang kahera sa cash register bago nagsalita ng: "Ang lahat po ng kakainin nyo ay nagkakahalaga ng 1 milyong piso."

"Put---ISANG MILYON?" Biglang nawala ang gutom ko nang marinig ang babayaran ko.

TOOT! TOOT! Tumunog ang isang itsurang cellphone na nakakabit sa noo ng kahera at laking gulat ko nang may lumabas na papel sa bibig ng kahera.

Pinilas ng kahera yung papel sa bibig nya at pakaabot sa akin ng papel ay nagsalita:
"Salamat po kabayan sa inyong pagbayad!"

Kahit medyo tulala ay sumunod ako kay Juliette sa isang upuan sa isang sulok.
"Shyet! Ano yun?! Bakit naging 1 milyong piso ang babayaran ng kakainin natin?!" bulaslas ko.

"Gaga! 100K na ngayon ang equivalent ng 1 centimo noon. Mura na nga ang 1 milyon eh. Saka hindi na in cash ang bayaran ngayon kundi thru cellphone na,"paliwanag niya, "ay oo nga pala, hindi na cellphone ang tawag sa gadget na ginagamit ngayon kundi E4." Sabay pakita sa akin ng isa ngang itsurang cellphone (hindi ko masabi kung anong brand ang kamukha niya basta itsura siyang cellphone!) at as usual, kulay orange.
"E4?" tanong ko habang sinisipat ng mabuti ang hawak-hawak na gadget, "bakit E4?"
"Kasi, hindi lang sya communication gadget, gamit din sya sa pagbabayad ng bills, pang-access din sya sa videoke machine--"
"Videoke? Buhay pa pala yun?"Sabi ko.
"Natural! Pinoy tayo ano? Ano na lang ang silbi ng buhay nating mga Pinoy kung walang music? By the way, Pinoy na ang majority ng may-ari ng Sony at Universal Music ngayon."
"Whaaaaaat?!!!!!"

Pilipinas 3000 A.D.

Isang gabi, nanaginip ako na napunta daw ako sa year 3000. Pagmulat ko ng mata ko ay akala ko walang pinagbago dahil parehas pa rin ang itsura ng mga nakapaligid sa 'kin--wala sa mga deskripsyon ng mga sci-fi writers tungkol sa hinaharap. Nung ipadyak ko ang paa ko sa inis, dun ko lang napansin na transparent glass pala ang natatapakan ko. Sa ilalim ng paanan ko ay marami pang kotse at mga buildings na nakatayo sa transparent na kalye na hindi ko na mawari kung hanggang saan ang kalye.
Maya-maya, may sumutsot sa likuran ko.
"Psst! Psst!"
Paglingon ko, nakita ko ang isang lalaking nakasakay sa Beetle car na may frills at kulay orange pa. Nanggagalaiti ako sa galit na nilapitan ang lalaki para sampalin. Bastos na gago 'to! Akala siguro eh easy to get ako.
"Hoy gago!" sigaw ko paglapit sa kanya, "ano'ng sinusutsot-sutsot mo dyan?"
"Gaga!Kung ako sa 'yo eh sasakay ako dito sa pagong bago ako hulihin ng pulis at ipalabas ang wetpaks ko 'no!" sagot niya.
Syet! May bakla pa pala sa future--sayang dahil cute pa naman siya. Dahil nasa alanganing lugar kami, napilitan na rin akong sumakay sa "pagong" car niya.
Habang binabagtas namin ang daan,
"Ano'ng year na ba ngayon?" tanong ko.
"Year 3010, vaket?"
"Ano? Future na ito?" dismayado kong sagot, "eh bakit walang lumilipad na sasakyan? Bakit walang spaceship na kotse? At saka, bakit ganyan pa rin ang suot ninyo? Hindi kayo nakasuot ng silver space suit?"
"Wahehehe! Adik ka ba? never mangyayari ang mga yan dahil una, mayroon tayong law of gravity. Pangalawa, ang mga sinaunang sci-fi writers na nagpasimuno ng ganyang kunsepto eh either nasa Mental Hospital na o nasa Singapore na at pangatlo, napaka-unfashionable ng space suit 'no! Eeew!"
"Teka, bakit sila pupunta ng Singapore? Career move?"
"Waheheh! Hindi 'no! Alam mo bang illegal drug capital na ang Singapore ngayon? Dun na bale nagpipilgrimage ang mga adik."
"Ha? Pa'no mangyayari 'yun eh napaka-ideal country ng Singapore nung panahon ko?" nagtataka kong tanong.
"Hay naku, nun daw early 3000, 'yung mga nakaupo sa pwesto sa Singapore eh nagsimulang ma-adik sa isang kabuteng tumubo sa gilid ng mesa ng Prime Minister. Kalaunan, nahawa na rin lahat ng mga Singaporeans sa kaadikan ng mga pulitiko. Mas matindi pa sa pinaghalong shabu, LSD at heroin 'yung kabute pero nawawala ang epekto kapag lanta na kaya, hindi siya mailabas ng bansa. Yung mga adik na gustong makatikim nung kabute eh kelangan pang pumunta ng Singapore."
"Teka, ano nga bang pangalan mo?" tanong ko, "tagal na nating nag-uusap eh hindi ko pa alam ang pangalan mo."
"Juliette" sagot niya sabay pihit ng kotse sa isang kalye.
"Pangalang babae yun ah. Bakit ganun?"
"Law na ang gay rights ngayon kaya, pwede nang pangalanan ang mga bading ng pang-girl at yung mga tiboli eh pang-boy."
Sa biglang pagliko namin sa isa pang intersection, may biglang tumawid at nabundol ng kotseng sinasakyan namin. Biglang nag-trapik dahil sa lalaking nakabulagta sa daan.
"Naku, patay!Nakasagasa tayo ng tao!" lalo akong kinilabutan nang makita kong may papalapit na police car.
"Relax ka lang, lola. Hindi tayo maaano" mahinahong sagot ni Juliette.

Nanginginig akong tumingin nang may bumabang pulis pero, laking gulat ko nang makita kong tinira niya ng stun gun 'yung lalaking tumawid, pinosasan at pinasok sa loob ng kotse. Ang nakakagulat pa lalo, pagpasok nung lalaki sa kotse, agad siyang kinurot, sinabunutan at pinagsasampal ng pulis na naiwan sa loob ng kotse.
Paglapit nung pulis sa 'min, nakipag-beso beso pa siya kay Juliette sabay sabing:

"Sisterette, kami na ang bahala sa chakang itech. Hay naker, makakatikim siya sa 'min ng isanglibong kurot at sampal! Ipaayos mo na lang iyan dun sa car parlor ni Georgina mamaya. May libre ka pang pedicure! O sige na, go na you!"
"Okay, babash!" sagot ni Juliette pagkatapos ay pinaandar na ulit ang kotse.

Nung palayo na kami, tumingin ako sa likod at nakita kong nilalamog pa rin sa kurot at sabunot ang pobreng lalaki.

"Ano'ng ikakaso dun? Jaywalking? Barya lang ata ang ipapyansa niyan eh makakalaya din agad 'yun at gagawin na naman niya ulit 'yung ginawa niya kanina."
"Sus! Hindi jaywalking ang kaso nun kundi walking mismo,"sagot ni Juliette.
"Bakit? Bawal bang maglakad?"
"Bawal sa kalye dahil wala ng bangketa. Pang-kotse na lang lahat ng kalye kaya bababa ka lang pag nasa tapat ka ng building o bahay mo. Kaya nga pinasakay kita agad dahil ganun ang gagawin sa 'yo. Saka, hindi na piyansa ang gagawin sa 'yo. Dun sa police detachment, pahuhubarin ka ng pang-ibaba at tatatakan ka ng penalty stamp sa pwet."
"Tatak lang pala eh. Madali lang mabura 'yun sa konting alkohol" kontra ko.
"Haller, lola! Hindi na po rubber stamp ang penalty stamp ngayon kasi tatatakan ka ng parang baka."
"ANO?!!" nanlaki ang mata ko sa gulat, "ibig mong sabihin...'yung pantatak, isasalang sa baga tapos itatatak sa 'yo?"
"Kuraching! Kaya madalang lang ang may gumagawa ng krimen. Mutant ka na siguro kapag lumagpas ka sa dalawang penalty stamp."
Tumigil saglit ang sasakyan namin nang may tumawid na isang trak sakay ang tumutugtog na drum and lyre corp at nag-aacrobatics na mga majorette.
"Pista pala rito sa inyo ano?" obserbasyon ko habang may sumunod pang mga float ng mga naka-gown na parang kasali sa Ms. Gay pageant.
"Hindi lola, national elections na at 'yan ang mga kakandidato. Malapit na kasing mag-babu sa pwesto si President Mendoza"
"President Mendoza? Sino 'yun?" tanong ko.
"Dating child star siya. IC Mendoza nga ang screen name niya."
"Ngek! Si IC? Baket?"
"Yes, siya nga! Ang galing-galing nga ni Madam IC kasi dahil sa kanya, second largest sugar exporter na tayo sa buong mundo."
"Pa'no niya nagawa 'yun?"
"Pina-abolish niya 'yung CARP na nagpapahirap sa mga asukarera dati."
"Teka, kailan pa ba nagkaroon ng gay president? Mukhang prominenteng figure na kayo ngayon?" napapakamot tuloy ako sa bumbunan.
"Nagsimula 'yun nung ma-elect si President Abunda tapos, nasabay pa nun na naging Speaker of the House si Kris Aquino at naging Presidential Spokesperson si AiAi Delas Alas. At dahil walang maepal na pulitikong makasingit pag nagsalita na sila, dun na nagsimulang tumahimik ang bansa natin at dinagsa tayo ng mga foreign investors kaya umangat ang economy ng bansa natin."
"Eh pa'no naman 'yung mga leftist groups? Hindi ba sila umaalma?"
"Ah yun? Ang natatandaan ko sa History class, karamihan naman sa kanila eh gusto ang patakbo ng gobyerno hanggang sa ngayon kay Madam. Yung mga killjoy naman na hindi talaga gusto ang patakbo eh may choice na mag-migrate sa ibang bansa. I-text mo lang sa format na BOI space-name-slash-address-slash-age-slash-country of choice at i-send mo sa 23-DFA at voila! Matatanggap mo na ang logo ng immigration visa sa cellphone mo na ipapakita mo sa mga embassy. May libre ka pang ringtone ng Philippine National Anthem! Ang saya di ba?"
"Eh popular ba 'yung scheme na yan?" tanong ko.
"Sa totoo lang, mas marami ang mga foreigners na nag-mimigrate dito. Last century nga eh nagpapalit ng Filipino citizenship sina Elton John, Angelina Jolie, Brad Pitt at Madonna. Kaso, hindi lahat sinuswerte kasi heavy ang mga requirements."
"Ano 'yun?"
"Kelangan kasi una, marunong mag-tagalog."
"Madali rin naman matutunan yun ah. Ano'ng mahirap?"
"Yung pangalawa at pangatlo ang pinakamahihirap kasi yung pangalawa, kelangan magaling sumabit sa dyip at yung pangatlo, kayang lumapang ng isaw-isaw, balot at bagoong. Maraming tuloy ang nade-deny tulad ni Britney Spears at Paris Hilton."
"Bakit? Ayaw na ba nila sa States o sa Australia o sa UK?"
"Pa'no naman kasi, 'yung UK, lumubog na halos sa baha kaya 1/4 na lang ng bansa nila ang nakalitaw. Yung Australia, naging disyerto na dahil sa global warming at yung Tate, wala na. Pinasabog kasi eh."
Napalunok ako ng laway. "Ulk! Ng terorista?"
"Hindi. Dahil sa sobrang katangahan na ng mga tao dun, may isang estudyanteng nagpasabog ng science project niya. Dapat sana eh baby powder lang ang ilalagay eh kaso, gun powder ang nilagay kaya ayun, goodbye world na!"
"Pa'nong mapapasabog nun 'yung States?"
"Nung nag-eeksperimento kasi 'yung class nila, nasa oil depot yung lugar nila eh katabi pa 'yung San Andreas fault. At nung sumabog, sa sobrang lakas eh tinamaan yung satellite ng NASA at CIA. Ang siste, ang signal sa NASA na i-activate ang pag-launch ng space shuttle, naipagpalit sa signal ng CIA dun sa imbakan nila ng nuclear warheads. Kaya, nagkapira-pirasong parang jigsaw puzzle na ngayon ang bansa nila. Kung pupunta ka dun sa Davao, makikita mong nakatanim dun ang Statue of Liberty."
"Buti na lang at hindi magulo dito sa 'tin" napangiti kong sabi.
"Trulili lola! Buti na lang hindi corrupt ang mga government officials natin."
"Pa'nong hindi corrupt ang nae-elect? Matindi ba ang screening sa mga tatakbong kandidato?" tanong ko.
"Actually, konti lang 'yung mga kumakandidato. 'Yung mga gusto lang talagang maglingkod sa bayan kasi pag nanalo sila, ang mga lalake eh nagpapatato at yung mga babae naman eh nagpapalagay ng hikaw."
"Ano? Para 'yun lang?" napataas tuloy ang kilay ko.
"Anong 'yun lang, nagpapatato sila o nagpapahikaw sa--" sabay bulong ni Juliette sa 'kin.
"OLIMADEPAKESIYET!!!"

(To be continued...)