Lunes, Disyembre 22, 2008

Kumpisal Day

Sa totoo lang, kahit matagal na akong nagsusulat (nagsimula sa diary hanggang subukan ko ang blog), hindi ko alam kung paano ko ito sisimulan at sasabihin. Ang totoo nyan eh matagal nang nagsu-swimming sa likido ng aking utak ang ideyang ito kung sasabihin ko ito o hindi. Pero dahil alam ko nang nauubos na ang pasensya nyo sa kababasa nito at alam kong gusto nyo na akong sigawan ng “ANO BA?! PAPATAYIN MO BA KAMI SA USPENS?! SABIHIN MO NA KASI BRUHAA!!”

Okey, eto na po.

Mga kaibigan, kabatak at usisero, eto na ang rebelasyon ko.


Bakla ako.


Oo, bakla ako. Sa tagal-tagal ko nang pinipilit pigilan ang sarili ko, ngayon eh handa na akong tanggapin ang tunay na ako. Bilang isang bakla.

ISANG BABAENG BAKLA.

Isang kafatid ni Roderick Paulate na sinuwerte diumanong mapunta sa katawan ng isang Eba di tulad ng iba na na-trap sa katawan ng mga kauri ni Adan. Isang aminadong mas nanaisin pang kumain ng bubog, tumulay sa apoy at makinig ng kanta ng isang artistang pilit na pinakakanta kahit halatang sintunado kesa ang makipagrelasyon sa babae. Ganun katindi ang pagkagusto ko sa lalaki. Ganun ako kabakla sa lalaki. Baklang-bakla talaga.
Ang obvious na advantage ko sa mga kapwa ko bading na napunta sa katawang lalaki eh pinanganak akong sa lahing de matres at genuine na dibdib kahit di kasing-laki ng kay Keanna Reeves. Kaya, kung may makilala man ako eh may pag-asa akong maiharap sa dambana na naka-trahe de boda at may basbas pa ng kasal. Na may kapasidad akong magbigay ng anak na syang isa sa mga kagustuhan ng mga lalaki. Ang magpapatuloy ng salinglahi.
Maswerte raw ang isang katulad kong babaeng bakla kasi di ako pupupugin ng pasa kung sakaling makita ako ng aking mudra, ate at iba pang kamag-anak na nakasuot ng palda o bestida. Baka magpamisa pa sila sa Roma at kung pwede lang eh simutin ang buong ladies section ng SM Department store sa sobrang kagalakan.
Bilang isang babaeng bakla, okey lang daw kung nasa bahay lang ako at nasa harap ng sewing machine o kaya nagbuburda o naggagantsilyo at hindi oobligahin na lumabas at tumulong sa karpentero, latero at mason pag inaayos ang aming bahay. Baka himatayin pa ata ang nanay ko pag nakita akong humawak ng pala at asarol.
Siguro nga ang babaeng bakla eh mapalad (maswerte in other words at di tulad ng iniisip ng mga berdeng utak!) kasi hindi sila mahihiyang ipakilala kung sinuman ang manligaw sa kanya. Walang masyadong violent reaction di tulad ng sa mga kafatid na kapwa lalaki ang pinapatos.

Maswerte nga ang isang babaeng baklang katulad ko.

DAW.

Eching lang yun. Drowing kumbaga. Dahil tulad ng isang bading, meron din akong kamalasan sa buhay.

Kung ang mga lalaking bading eh na-trap sa katawang bigay kay Adan, ako naman eh na-trap sa machong tradisyon na nagtalaga kung ano ang dapat gampanan ng isang babae sa lipunan. Kung ano ang dapat ikilos. Kung ano ang dapat sabihin sa madla.
Kung lalaking bading lang ako, baka naipagsigawan sa mundo ang pagmamahal ko sa isang lalaki. With matching microphone. O kaya, iparada ko sya sa buong kalye ng Kamaynilaan man o sa Inglatera with TV, Radio at YouTube coverage pa. Kahit lumabas na katawa-tawa. Kahit batuhin ng krus, bawang at kahit kampana ng lahat ng simbahan. Ang importante'y alam ng mahal ko kung gaano ko sya kamahal.
Isang bagay na di dapat gawin ng isang babae. Dahil ang babae eh inaasahang mandedma at wag magpakita ng motibo. Na dapat eh kami ang maghintay na suyuin at pagpakitaan ng pagkagusto. At ang sinumang babaeng sumalungat sa batas na yun eh nababansagang mababang uri. Puta kumbaga.
At tulad ng lalaking bading, ako rin ay nasaktan ng pag-ibig pero paulit-ulit pa ring iibig kahit may posibilidad na lokohin muli dahil alam namin, balang araw, meron din kaming makikilalang tanggap ang kagandahan at kahit kabulukan ng aming pagkatao.
Na mamahalin ako hindi dahil sa may matres ako.
Kundi mamahalin ako bilang ako.


Yun na.