Lunes, Marso 31, 2008

Buhay Amerika


Ang munting sanaysay na inyong mababasa ay nilikha ng kaibigan kong si Nomel na matagal nang naninirahan sa Amerika at ngayong patuloy pa rin ang pagpunta ng mga Pilipinong manggagawa sa bansa ni Uncle Sam, eto ang mensahe nya matapos makita ang katotohanan sa likod ng "American Dream":

Akala ng mga tao na nasa Pilipinas kapag nasa America ka akala nila madami ka ng pera.
Ang totoo, madami kang utang, dahil credit card lahat ang gamit mo sa pagbili mo ng mga gamit mo. Kailangan mo gumamit ng credit card para magka-credit history ka, kase pag hindi ka umutang o wala kang utang, hindi ka pagkakatiwalaan ng mga kano . Pag wala kang credit card, ibig sabihin wala kang kapasidad magbayad.

Akala nila mayaman ka na kase may kotse ka na. Ang totoo, kapag hindi ka bumili ng kotse sa America maglalakad ka ng milya-milya sa ilalim ng init ng araw o kaya sa snow. Walang jeepney,
tricycle o padyak sa America.

Akala nila masarap ang buhay dito sa America . Ang totoo, puro ka trabaho kase pag di ka nagtrabaho, wala kang pangbayad ng bills mo sa kotse, credit card, ilaw, tubig, insurance, bahay at iba pa.
Hindi ka na pwedeng tumambay sa kapitbahay kase busy din sila maghanap buhay pangbayad ng bills nila.

Akala nila masaya ka kase nagpadala ka ng picture mo sa Disneyland, Seaworld, Six Flags, Universal Studios at iba pang attractions. Ang totoo, kailangan mo ngumiti kase nagbayad ka ng $70+ para makarating ka dun, kailangan mo na naman ang 10 hours na sweldo mong pinangbayad sa ticket.

Akala nila malaki na ang kinikita mo kase dolyar na sweldo mo. Ang totoo, malaki pagpinalit mo ng peso, pero dolyar din ang gastos mo sa America . Ibig sabihin ang dolyar mong kinita sa presyong dolyar mo din gagastusin. Ang P15.00 na sardinas sa Pilipinas $1.00 sa America, ang isang pakete ng sigarilyo sa pilipinas P40.00, sa America $6.50, ang upa mo sa bahay na P10,000 sa Pilipinas, sa America $1,000++.

Akala nila buhay milyonaryo ka na kase ang ganda ng bahay at kotse mo. Ang totoo milyon ang utang mo. Ang bago mong kotse 5 taon mong huhulugan. Ang bahay 30 taon mong huhulugan. Ibig sabihin, alipin ka ng bahay at kotse mo.

Madaming naghahangad na makarating sa America. Lalo na mga nurses, mahirap maging normal na manggagawa sa Pilipinas. Madalas pagod ka sa trabaho. Pag dating ng sweldo mo, kulang pa sa pagkain mo. Pero ganun din sa ibang bansa katulad ng America. Hindi ibig sabihin dolyar na ang sweldo mo, yayaman ka na, kailangan mo ding magbanat ng buto para mabuhay
ka sa ibang bansa. Isang malaking sakripisyo ang pag alis mo sa bansang pinagsilangan at malungkot iwanan ang mga mahal mo sa buhay. Hindi pinupulot ang pera dito o pinipitas. Hindi ako naninira ng pangarap, gusto ko lang buksan ang bintana ng katotohanan.

Linggo, Marso 30, 2008

Kagandahan at Kabobohan

“And now here is my secret, a very simple secret; it is only with the heart that one can see rightly, what is essential is invisible to the eye.”

Ito ang isa sa pinakamemorableng katagang makikita sa librong "The Little Prince" ng Pranses na manunulat na si Antoine de Saint Exupéry. Kahit ang tagal tagal nang nalathala ang librong ito at ilang beses na napatunayang totoo ito, hindi pa rin nito matibag-tibag ng tuluyan ang pagpili ng mga tao base sa pisikal na anyo.
Malamang hanggang ngayon eh alam na alam pa rin natin ang ginawang "pagkakalat" ng isang kandidata na sa kalaunan eh napili pang kumatawan sa bansang Pilipinas sa nalalapit na pandaigdigang paligsahan. Sa pag-lilibot ko sa internet, buhay pa rin ang debate tungkol sa pagpili sa kanya. Ayon sa mga kontra sa kanya, halatang sa ganda lang idinaan kung bakit sya napili. Kung dangan naman kasing sana pinili na lang nyang sumagot sa wikang Tagalog, mas magiging maganda pa daw ang pagkakasagot nya at hindi sya lalabas na katawa-tawa.
Ayon naman sa mga panig sa kandidata (maging sya rin mismo), may dahilan kung bakit naging ganun ang sagot nya. Una daw, ninerbyos daw sya dahil guwapo daw ang nagtanong sa kanya at dahil rin sa pagkagulat dahil nasama pa sya sa taf ten (ayon mismo sa kandidata).
Ang tingin ko lang, WALANG EXCUSE SA NANGYARI. PERIOD.

Kalaunan, ang debateng ito eh umabot sa aming dalawa ng kuya ko.

Ako: Nakakahiya talaga itong si (pangalan ng kandidata). Magmilagro sana na hindi sya magkalat dun sa contest!
Brod: Tange! Eh paano kung manalo yan? Eh di tameme ka?
Ako: (di nakasagot)

Syempre, simula siguro sa pagkakabuo ng tao, mas pipiliin nila ang isang bagay na maganda sa paningin. Ayon sa kuya ko, kinuwento sa kanya ng kaibigan nyang taga-HR Department ang sikretong dahilan: Kung maganda ang makikita mo sa paligid mo, magiging maaliwalas ang pakiramdam mo. Pero kung bad trip ka na nga sa trabaho at pangit pa ang nakapaligid sa yo, eh baka mamaril ka na!

Dun sa kandidatang sinasabi ko, sana nga eh magiging maingat sya sa pagsagot dun sa paligsahan dahil hindi lang sarili nya ang malalagay sa kahihiyan kundi maging ng bansa natin. Dats ol, I tenk yu!

MM sa Beauty Pageant


Dream Blog1:
Eto ang unang beses kong gumawa ng dream blog. Ganito ang nangyari:

Pagmulat ko ng mata ko, nakita ko na lang ang sarili ko sa entablado at maraming tao sa audience. Nung makita ko na may nakatayong mga babaeng nakaayos at nakasuot ng gown, naisip ko agad:
"Wawi! Nasa beauty contest ako!" at tuwang-tuwa pa ako dahil sigurado ako, kandidata din ako. Biruin nyo, at least sa panaginip eh nasama ako sa beauty contest. Ano kaya itsura ko?
Magtatanong sana ako sa katabi ko kung okay ang ayos ng buhok ko nang magsalita yung isa sa mga taong nakaupo sa table malapit sa audience:
"Okay, Paolo, let her choose a judge."
Ngek! Si Paolo Bediones pala ako! Kaya pala ang presko ng batok ko yun pala eh lalaki ako. Buwisit!

Kahit na gusto kong magwala dahil kahit sa panaginip eh hindi man lang ako nasama sa beauty contest, pinilit ko na lang ang sarili kong ngumiti at pinakuha ko ng card ang babae. Hindi ako nakinig sa mga sagot niya dahil sa pagkasuya ko. Nang marinig kong tapos na yung babae sa sagot nya, nag-tenk yu ako sa kanya at sunod eh tinawag ko na ang kasunod.
Siyempre, konting bolahan muna ang ginawa namin bago ko makuha yung pangalan ng magtatanong sa kanya (sa oras na yun gusto ko nang umiyak sa pagkasuya ng sitwasyon ko). Nang tinanong sya ng isang babaeng judge tungkol sa pamilya nya.

Kandidata: Well, my family’s role for me is so important b’coz there was the wa- they’re, they was the one who’s… very… Hahahaha… Oh I’m so sorry, Ahhmm… My pamily… My family… Oh my god… I’m… Ok, I’m so sorry… I… I told you that I’m so confident… Eto, Ahhmm, Wait… Hahahaha, Ahmmm, Sorry guys because this was really my first pageant ever b’coz I’m only 17 years old and ahahaha I, I did not expect that I came from, I came from one of the tough 10. Hmmm, so… but I said dot my family is the most important persons in my life. Thank you.

Ewan ko pero mukhang nag-brownout ang paningin ko at napasigaw ako dahil di ko mapigilan ang sarili ko.
IS THAT ALL?! THIS IS THE PHILIPPIIIIIIIIIIIIIIINES!

Sabay tadyak sa kanya.

Ayun, pagkatapos eh, nagising na ako na naliligo sa pawis.
Pinanata ko na sa sarili ko, sa susunod, HINDI NA AKO MANONOOD NG BEAUTY CONTEST PAGKATAPOS MANOOD NG DVD NG 300.

Linggo, Marso 23, 2008

Hapi Istir!

Hapi Istir! Hapi Istir! Hapi Istir tu ul!
Eto ang bati sa kin ng isang ale na sa tunog eh galing sa isang probinsya sa katimugan. Akala ko eh eh iniistir ako, yun pala binabati ako dahil ngayon Easter Sunday. Sa mga taimtim na ginunita ang semana santa, hudyat ito ng pag-gunita sa pagkabuhay muli ni Jesu Kristo. Sa mga nagtatrabahong katulad ko at ilang mga estudyante may summer classes, hudyat ito ng pagtatapos ng isang mahabang bakasyon at balik na naman sa mga iniwang trabaho, assignment, school project at ilang mga problema sa buhay.
Kanina, nagsimba kami ni Brod sa isang malaking simbahan na sakop ng Paranaque. Ilang beses ko nang napansin yung banner sa may harapan kung saan "ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo" ay kasamang nakasulat. Sa totoo lang, kahit deboto ako sa relihiyon ko, hindi talaga ako makumbinsi ng mga pari't mangangaral na sumali sa rally "daw sa katotohanan" nila. Hello, sino ba naman kasi itong binabandera nilang whistleblower daw ng katotohanan na animo'y talo pa ang sikat na matinee idol na nagmo-mall tour kung iparada sa simbahan? Eh salita lang niya ang pinanghahawakang katibayan ng pagsisinungaling at panloloko ng pamahalaan. Posible ngang may ginagawang kalokohan ang pamahalaan at hindi malayong totoo ang paratang nya. Pero, mas pinaniniwalaan ko ang paniniwala ni Gil Grissom: "I tend not to believe people. People lie. The evidence doesn't lie." Saka, sa tagal na ng pagro-road show ng whistleblower na ito, kahit minsan, wala pa akong narinig na namahagi sya ng kayamanan niya na tingin ko'y laksa-laksa sa dami dahil nakakaya pa niyang gumastos sa paglalaro ng golf na ang membership fee sa isang club ay kasinghalaga ng 2 taong sweldo ng isang ordinaryong tao.
Sa isang katulad kong galing ng eskwelahang hawak ng mga madre, normal na activity na sa 'min ang sumasali sa ganito kapalit ng ipinangakong mataas na grade sa conduct.

Sister: Class, tomorrow, we'll attend the rally.
Students: Yes, sister.
Sister: Ang hindi sumama, hindi makakakuha ng grade na 85 sa conduct.
Students: Yes, sister.

Ang siste, parang small scale blackmail ang ginagawa ni Sister para lang makahakot ng sasama sa kanilang mag-rally. Syempre, ang mga butihin pupils, sasama sa rally para lang sa tumataginting na mataas na grado kesehodang mabilad sila sa araw, tumambay sa maalikabok na kalye, at masalang sa sitwasyong may posibilidad na maging delikdado. Ang kaso, minsan, talo pa nina Sister ang mga pulitiko na pagkatapos ng pagsali sa rally, wala rin ang pinapangakong grade--nakasulat lang pala sa tubig. Istiran lang ang nangyari.
Naalala ko rin yung drama ng mga estudyante sa State U dyan sa bandang Kyusi. Asan na kaya sila at biglang tumahimik ang mga umaapilang ma-impeach ang presidente. Siguro lang dahil tapos nang mamigay ng grades ang mga nagpasimunong prof. At malamang--at sigurado--BAKASYON NA! Kung ikaw ba namang estudyante, mas pipiliin mo bang magbilad sa araw sa isang kalye ng syudad kesa magbilad sa may beach? Kahit iskul bukol na estudyante, hindi papatol sa pagsali sa rally sa ganitong panahon lalo pa't gagamitin lang sila ng ilang pulitiko at matataas na tao para sa pansariling interes.
Sa panahon ngayon, hindi na ako basta basta naniniwala sa mga nagra-raling yan lalo yung nagra-rally sa mga embahada. Pustahan, pag biglang naging madali ang pagpunta sa ibang bansa, baka mas mauna pa sila sa pila (kasi nga nasa harapan na sila ng embahada!).

Sana naman, ngayong Easter Sunday, iba naman ang pagtuunan ng simbahan at ng karamihan sa atin. Sana ang pagtuunan naman natin ay kung paano pagtutulungang babaguhin ang sarili, linisin ang narumihang kapaligiran, tulungan ang mga maysakit, at labanan ang problema sa droga.
At sana hindi lang tayo salubungin ng "Istir Unly!"

Lunes, Marso 10, 2008

Radyo Sitsiritsit Update: Panibagong Rally ng mga Call Center Agents


Flash balita mula sa Radyo Sitsiritsit (Background voice na sasabat: "Alibambang!")

Reporter: Eto na naman po ang isang nagbabaga at nag-aalimpuyong news flush mula sa Radyo Sitsiritsit--
(sabatero sa background: Alibambang!)

Noong isang madaling araw, naglunsad ng kilos protesta ang mga Call Center agents na tumagal ng 15 minutos bago sila nag-uwian at nagkayayaan sa Starbucks.
Ngayon naman, muli na naman silang maglulunsad ng kilos protesta. Para sa mga detalye, narito si Kiko Cuento-Cuchero. Pasok!

KCC: Tama ka dyan repapips! Muli na namang maglulunsad ng rally ang mga Call Center agents. Tila yata marami pa silang nais iparating sa ating pamahalaan maliban sa mataas na pasuweldo, murang halaga ng bilihin at discount sa mga coffee shops at eyebag reducing creams. Aalamin natin ang sanhi ng kanilang hinaing. Sir! Sir! Pwede mainterview kayo?

Lalaki: I'd rather use my civil rights not to speak and divulge our plans in order to save myself from humiliation and shallowness of our mundane ideas.

KCC: (napahiya ata) Ahehe...thank you na lang po. Hanap na lang tayo ng iba...(medyo pabulong) yung kaya nating makasabayan sa pagsasalita. Teka, brod, sino ba ang lider nyo dito?

(Lalaki na medyo malayo sa mic na nangunulangot habang ngumangasab ng inihaw na mais: "Oist, sino daw ang lider ba dito?" na sinagot naman ng marami "Si ano...oy, tawagin nyo nga si kwan...")
KCC: Ah, sandali lang repapips at tinatawag lang nila ang kanilang lider. Sana naman hindi feeling Inglesero at baka dagukan ko lang. Teka, eto na yata siya eh. Ehem! Brod, pwede ka bang ma-interview saglit?

Lalaki: Um, sure.

KCC: Ah, ibig kong sabihin eh pwede ka bang ma-interview sa Tagalog?

Lalaki: Sige po.

KCC: Alam ng ating mga kababayan ang ginawa ninyong rally noong nakaraang linggo. Ngayon naman, may panibagong rally naman kayo. Ano ang nais nyong iparating ngayon sa inyong rally sa pamahalaan?

Lalaki: Sa pamahalaan? Wala.

KCC: W-wala?! Eh bakit kayo magra-rally?

Lalaki: Kung matatandaan po ninyo, noong isang linggo, pagkatapos ng rally namin, nagkaroon ng rally dyan sa main road na pinamumunuan ng panot na chekwa. At dahil doon, nagkaroon ng matinding traffic. Kaya ngayon, NGAYON! Kaya kami nagrarally para iprotesta ang naturang rally! Dahil sa kanila marami sa amin ang na-late sa trabaho! Yung iba sa min, nakulangan ng tulog kaya parang double chin na ang kapal ng eyebags! Iboykot ang mga raling yan!!

(mga tao sa background: IBOYKOT! IBOYKOT!)

KCC: Narinig nyo yun repapips? Buweno, eto po si Kiko Cuento-Cuchero para sa Radyo Sitsiritsit, nag-uulat at naguguluhan.

Sabado, Marso 1, 2008

Rally. Raliyista. Rally Ulit

Laman pa rin ng balita ang on-going na mga rally dito sa bansang Pinipingas. Rally. Isa ito sa mga legacy ni Apo Makoy na kahit frozen delight na sya sa kristal na kabaong na pinagawa ng kanyang sosyalerang misis, ito pa rin ang isa sa mga naitanim nyang malalim sa mga Pinoy. Alam nyo, sa dami na ng mga demonstrasyon dito sa mga kalye ng Pinas, minsan naiisip ko na lang na wala silang pinagkaiba sa mga paradang pangkasiyahan. May mga taong nakangiti na talo pa ang commercial model ng toothpaste sa ningning ng pagpapakita ng kanyang "pearly half-whites" at meron pang kakaway-kaway na talo pa ang mga nasa beauty pageant.
Pero kahit ano pa ang rally ngayon dahil lang sa onsehan at sulutan sa kontrata, tingin ko--tingin ko lang ha--malabong mapababa pa natin ngayon ang nakaupo. Bakit kanyo? Kasi kanina, mahaba pa rin ang pila sa taxi at ATM, siksikan sa bus at iba pang pangpublikong sasakyan, maraming nag-shopping. At ang kapansin-pansin, hindi sarado ang mga malls at tuloy pa rin ang buhay sa karamihan sa atin.