Lunes, Pebrero 25, 2008

Telebabol ng Telenobela, Telepantasya, Telesine at kung anu-ano pa...

Simula pagkabata, nakamulatan ko na tuwing tanghali o kaya tuwing gabi (madalas, bago at pagkatapos ng balita) ay nakabukas ang TV namin at ang palabas ay soap opera. Oo, soap opera pa ang tawag sa palabas kung saan tadtad ng iyakan, sampalan, sabunutan, awayan, trayduran at syempre, love story. Ayon sa Wiki, kaya daw "soap opera" ang tawag sa mga palabas na madrama ay dahil sa ang mga sinaunang palabas ay madalas na sponsor ang mga pagawaan ng sabon tulad ng Procter and Gamble, Colgate at iba pa.
Dito sa Pilipinas, naging parte na ata ng kultura natin ang palabas na inaapi ang bida at nuknukan ng kasamaan at minsan, humahalakhak pa na parang demonyo ang kontrabida. Hindi ko alam kung ano ang pinakaunang Pinoy soap opera pero ang naabutan ko ay ang mga soap opera na umiikot sa mga naulilang batang babae na inaalila tulad ni Anna Liza o kaya ni Flor De Luna (pambihira! Nalalaman na ang edad ko!). Dahil sa pagkahumaling ng mga Pinoy magpasahanggang ngayon sa soap operas, sumikat ang mga artistang tulad nina Julie Vega, Janice De Belen at sa bagong panahon, sina Judy Ann Santos, Angel Locsin, Marian Rivera, Sunshine Dizon, Kristine Hermosa, Bea Alonzo at iba pa.
Nung dumating ang mga soap opera galing sa ibang bansa, na sinimulan ng "Mari Mar" ni Thalia (sabay-sabay: Mari Mar, aww!), ang soap opera, bininyagan na ng pangalang "Telenobela" at kung dati noon, inaabot ng ilang taon ang takbo ng istorya (kadalasan, inaabot ng pagdadalaga at pagbibinata ang mga batang bida) ngayon, dala ng mabilis na takbo ng istorya ng Mari Mar, Maria Mercedes o ng Monica Brava, nagkaroon ng "fast forward" mentality ang drama. At hindi lang dyan natapos ang pagbabago, hinaluan din ng konting pantasya. Ang bidang babae, hindi lang basta-bastang ulilang lubos o nawalay sa magulang kundi may halong lahing alien, taong-ibon, madyikero (nung panahong sumikat si Harry Potter) o kaya'y sinumpa diumanong maging sirena, syokoy, o pangit. Ang telenobela, tinawag na namang telepantasya o pantaserye. Nung mag-asawa si Thalia at nagsawa na ang mga Pinoy sa mga itsurang Latino at mestisa, nabaling naman ang tingin natin sa mga singkit. Nung 2003, naipalabas at sumikat ang "Meteor Garden" ng Taiwanese na grupong F4 (FYI: JVKV na ang tawag sa kanila ngayon dahil hindi na sila pinayagan ng Japanese na may-ari ng "Hana Yori Dango", kung saan ibinase ang istorya ng "Meteor Garden", na gamitin ang F4 dahil nakakabit yun sa grupo ng nasabing istorya). At hindi lang sa mga chekwa tayo nahumaling, sumunod naman ang mga gawang Koreano na magpasahanggang sa sinusulat ko ito, tadtad ng mga ganitong palabas sa GMA 7 at QTV 11. Kung Chinovela ang bansag na binigay sa gawang chekwa, Koreanovela naman ang tawag sa galing sa Kimchi republic. Sa totoo lang, kahit pa saan pang bansa manggaling ang magiging hit sa mga Pinoy na adik sa iyakan, sampalan at love story, sigurado akong hindi pa rin mawawala ang pagkagusto nila sa gawang sariling atin.
May isa lang akong napapansin na kaletsehang nagaganap sa "remake" o kaya'y "spin off" ng mga Pinoy networks sa mga gawang abroad. Tulad na lang ng nangyari sa Princess Sarah at sa diumano'y mga apo ni Shaider. Duon sa Princess Sarah, ang Indian na tumulong kay Sarah, iniba at ginawang si Ai Ai Delas Alas na galing sa Ungga Ungga tribe na ewan. Tapos si Miss Minchin, naging sugarol? Ano ba yan?!
TAPOS ANG PINAKAMALAKING KAULULAN SA KASAYSAYAN NG TELEBISYON SA PILIPINAS--ang pagbabalat-kayo ng isang madrama at napaka-korning soap opera bilang isang action-drama-sci fi series. Basahin nyo uli, action-drama-sci fi. Kalokohan! Isang malaking kalokohan!!
Ang sinasabi ko ay ang walang kwentang Zaido na hanggang sa ngayon ay kumukulo pa rin ang dugo ko pag naaalala ko ang ginawa nilang paglapastangan sa alaala ng Shaider. Noong ipapalabas pa lang ito, panay ang bandera ng network na napakaganda ng pagkakagawa nila sa "spin off" at mga "taga-kabilang network" lang ang magsasabing pangit ito. Pero nung kalaunan, nakita rin na bukod sa napaka-pangit ng mga costumes, mas natatabunan ng mga love triangle-nawawalang anak-anak sa labas ni ganito si ganun formula ang mga maaksyong eksena. Bagay na pangunahing feature ng Tokusatsu shows na kinabibilangan ng Shaider. Ang lakas pa ng loob ng istasyon na sabihing pinapalabas din ito sa ibang bansa tulad ng Japan. Pasalamat na lang siguro tayo at hindi naisipan ng Japan na ipasugod tayo sa mga samurai, ninja at Kamikaze planes dahil sa pambababoy na ginawa ng Zaido.
Minsan, naiisip ko kung tulad din ng mga nagsisipag-abroad na professionals, nagkaroon na rin ng "brain drain" sa mga writers. O naging tanga lang ang mga Pinoy na manonood?
Sana naman hindi iyung huli ang totoo.

Sabado, Pebrero 23, 2008

Radyo Sitsiritsit Balita: Rally Laban sa Administrasyon, Ikakasa!!

Announcer: Balita mula sa Radyo Sitsiritsit (may sasabat sa background: Alibambang!) hatid sa inyo ng Shaolin Katol! Sa panahon ngayon, protektahan ang sarili laban sa mga lamok! mag-Shaolin Katol! Sa Shaolin Katol, patay ang lamok, patay rin kayo!

Reporter: Mga nagbabalibagang mga balita! Parami ng parami na ang sumasama sa protesta laban sa gobyerno na nagsimula lang sa pagpiyok ng isang panot na chinoy na nadenggoy sa negosyo at nalugi sa bentahan ng mga pekeng laruan!
Ngayon naman, may bagong grupong magrarally sa Mendiola para piliting bumaba sa posisyon ang pangulo. Kamakailan, nag-anunsyo ang pinakamalaking grupo ng Call Center agents ng plano nilang mag-welga. Ang planong pag-aaklas ay bunsod ng patuloy na paghina ng ekonomiya ng Amerika na nagiging dahilan ng paghina ng industriya ng Call Centers sa bansang Pinas. Nang aming tanungin kung ano ang kuneksyon nito sa gobyerno, ang sagot ng nagpapanggap na pinuno ay "ewan." Maliban dito, inerereklamo nila na kung hindi dahil sa talamak na pagkuyog ng mga credit card companies sa mga kawawang Call Center agents, hindi na sana nababaon sa utang ang karamihan sa kanila.
Kung kaya't hinihikayat nila sa kung sinuman ang gustong sumali, mangyari lamang na pumunta po sa Quirino Grandstand para dun mag-ipon ipon.
Magsisimula ang rally ng alas dos ng madaling araw dahil karamihan sa nasa Call Center ay tulog sa umaga at ang rally ay mangyayari sa loob lamang ng kinse minutos dahil 30 minutes lang ang break time sa Call Center at kailangan bumalik agad sa trabaho.

Sabado, Pebrero 16, 2008

Trapik Blues

Ang sanaysay na ito sinulat noong intern pa ako.

Sa araw-araw na biyahe ko, mula sa bahay hanggang sa eskuwelahan, hindi ko maiwasan ang maubusan ng masasakyang jeep. Ang dahilan--maraming jeep ang umiiiwas sa trapik (sa tamang gamit sa Ingles, traffic jam) na minsan ay sa sobrang tagal, pwede ka nang tubuan ng lumot sa katawan. Pero, tingin ko, lahat naman ng gumagamit ng kalye ay nata-trapik, ah.
Maaari nating ibunton ang sisi sa mga depektong traffic lights at sa mga pulis trapiko. Tungkol sa mga pulis trapiko na yan, hindi natin maa-underestimate ang ginagawa nila. Totoo yan dahil sino ba naman ang magtitiyagang tumayo sa kalsada na minsan nabibilad sa araw na parang daing o nauulanan (exempted dito ang mga traffic enforcers na nakatambay lang sa karinderya at nagpapalaki ng tiyan at sasabak lang sa kalye para mangotong sa mga driver), nag-uutos sa daan-daang sasakyan gamit ang silbato at mga de-manong senyas, nanghuhuli at nangunguha ng lisensya ng mga driver na buwakaw sa daan at naninigaw sa mga mala-stuntment/women na pedestrians na tumatawid sa gitna ng kalye ng walang pasubali o kaya'y ang araw-araw na makalanghap ng maitim at maruming hangin (na sa buong araw na pagtayu-tayo sa kalye ay nagiging mas tisoy pa ang ita kesa sa yo) ng siyudad. Sa araw-araw na nakakakita ako ng mga traffic enforcers, maihahalintulad ko sila sa mga nasa gobyerno natin. Mga nagpapatupad at nag-uutos ng batas sa ilang kumpas ng kamay.
Ano nga kaya ang itsura noong dekada 70? Matrapik din kaya tulad ng nararanasan natin ngayon? Masikip din ba ang mga kalsada dahil sa mga ginagawang konstruksyon? Sumusunod kaya ang mga tao noon sa mga pulis trapiko ng may takot gaya ng pagsunod nila kay Apo Makoy? May road rage na ba ang mga driver noon tulad ngayon? Ewan ko dahil hindi ko naman inabot ang dekadang yon pero nakakatawang isipin na sumusunod lang tayo sa mga nagta-trapiko kung may paghihigpit pero ngayong malayo na tayo sa diktaturya, saka naman tayo naging mga sari-sarili nating mga diktador na walang pakialam sa iba basta makapunta lang sa dapat paroonan.
Ngayon, hindi ko mainitindihan kung malaya ba talaga tayo dahil nakakulong pa rin tayo sa ating mga kabalbalan at kabuwakawan. Gaya ng trapik.
Hoy, umandar na tayoooo, ano baaa???!!!

Linggo, Pebrero 10, 2008

Progress Report

Kung inyo pong mapapansin, nagdagdag ako ng sinasabing "widgets" at "feedburner". Ayon sa website ng Feedburner, para daw mas magandang tingnan ang Metal Hospital at para daw dumami ang magpuntang pasyente dito. Hehehe...
Anyway, enjoy na lang muna sa pagbabasa at marami pang case reports na darating.

Sabado, Pebrero 9, 2008

Ang Pinakamalalang Sakit

Sa ordinaryong tao, nakakatakot isipin ang mga bagong sakit na nagsusulputan sa panahon ngayon. Noon, nagkaroon ng Bubonic Plague, sakit na nanggaling sa mga daga, na rumagasa at halos ubusin ang buong Europa noong 1300's. Tapos, nitong mga dekada 70, napabalita ang AIDS virus na kumikitil pa rin ng buhay hanggang sa ngayon. SARS, Ebola, Leptospirosis, Avian Flu--yan ang ilan sa maraming sakit na kinakatakutan. Ang totoo, meron pang isang napakalalang sakit na marahil hindi natin napapansin o kung napapansin man ay ipinagkikibit-balikat na lang.
Ang sakit na ito ay mas malala dahil walang pasilidad ang may gamot sa ganitong sakit--lalung lalo na kung walang kooperasyon sa parte ng may ganitong sakit.

Katangahan.

Ito ang sinasabi kong sakit na walang gamot lalo kung hindi ito binibigyan ng importansya lalo ng mga taong malapit sa biktima. Merong ospital para sa mga sakit ng katawan tulad ng lagnat, pulmonya at meron ding ospital para sa mga sakit ng kaisipan (aka mga may tililing sa utak) tulad ng schizophrenia at dementia.
Pero, meron ka na bang narinig na ospital sa katangahan? Wala.
Isipin nyo na lang, may isang lalaking nasagasaan dahil pinilit nyang tumawid sa highway. Oo, sa isang bahagi ng kahabaan ng EDSA, kung saan may napakalaking karatulang kulay pink na nagsasabing "NAKAMAMATAY ANG PAGTAWID DITO.", may tumawid na lalaki--at tila isang komedya para kina Kamatayan at San Pedro dahil nasagasaan ang naturang lalaki. Katangahan? Natural. Dahil sa di kalayuan, may isang overpass na nakatayo kung saan maraming naglalakad at patuloy sa kanilang sari-sariling buhay at destinasyon.
Sa Amerika, may nagpasimuno ng Darwin Awards, na nagbibigay parangal (parangal nga ba?) sa mga taong namamatay, muntik mamatay o nawalan ng kapasidad na ipagpatuloy ang lahi dala ng katangahan. Pag nagkaroon kaya ng ganito dito sa Pilipinas eh, ano kaya ang magiging epekto nito? Makakabawas din kaya ito sa katangahan ng mga Pinoy o baka magkaroon pa ng Pinoy Chapter ang Darwin Awards?
Sakit ba ito kamo? Oo, dahil tulad ng pulmonya, pwedeng maging ganito ang isang tao pag pinapabayaan lang ito hanggang sa maging malala at magdala ng kapahamakan. Para rin itong
hypertension (o "high blood") at hika kung saan maaaring maipasa ng magulang sa mga anak kung ito'y babalewalain. Kung hahayaan ng magulang na mamuhay sa katangahan at kawalan ng ambisyon ang kanilang mga anak, dadami lang ang mga taong tambay at pabigat sa lipunan.
Ayon kay Jose Rizal, korapsyon ay ang kanser ng lipunan. Kanser na lumalala dahil lang sa katangahan ng mga tao (lalo na yung tinatawag na "masa") na hinahayaan lang na gamitin sila ng mga taong walang ibang iniisip kundi pansariling mga interes lamang. Hanggang ngayon, tanga pa rin tayong mga Pinoy. Sayang, dahil tulad ng AIDS at kanser, wala pa ring gamot sa katangahan.

Martes, Pebrero 5, 2008

Radyo Sitsiritsit: Drama Programs

Announcer: Welcome po sa ating mga tagapakinig ng Radyo Sitsiritsit
(may sasabat na background voice: Alibambang!) Ang namamayagpag na istasyon na umbag ng saya!
(sound effects ng mga sumisipol at pumapalakpak: Witwiw!! Klap! Klap! Klap!)
Ang mga susunod na programa ay ang paborito ninyong lahat lalung lalo ng scriptwriter at ng kanyang kapatid sa Mandaluyong. Eto ang dapat ninyong pakaabangang mga tagpo!

Announcer na lalaking malagom ang boses: SUSUNOD! Ang programang pupukaw sa inyong damdamin at magpapa-agos ng inyong mga luha at uhog: KINUHA MO ANG LAHAT SA AKIN!

Nag-aalimpuyo ang damdamin ni Valeria Sulasok, ang kontrabida, sa ating napakagandang bidang si Maria Extasia.

Valeria: Noong grade school tayo, kahit mayaman kami at mahirap ka lang, naungusan mo ako sa grades dahil nahuli akong nangongopya! Nung high school tayo, natalo mo pa rin ako dahil kinuha mo ang kaisa-isang knitting needle na kailangan ko para sa project natin sa Home Economics! Ngayon--NGAYONG COLLEGE! Talo na kita dahil mahihirapan kang matalo mo ako dahil bukod sa mahirap ka lang, AKO NA ANG MAY HAWAK SA BUONG RECTO! Kaya hindi ka makakahanap ng instant thesis, Maria Extasia! Ahahahahaha!!! (sound effect: kulog at kidlat)

Maria Extasia (tunog nagmamakaawa): Valeria! Huwag! Huwag mong gawin sa akin ito!
Patawarin mo ako!

Valeria: INAGAW MO ANG KNITTING NEEDLE KO--KAYA'T MAGBABAYAD KA!!!!
(overture orchestra music)

Announcer: Ano ang mangyayari kay Maria Extasia ngayong hawak na ni Valeria ang lahat ng tindahan ng thesis sa buong Recto? May mahanap kaya siya sa bandang Raon? Abangan sa kapanapanabik na: KINUHA MO ANG LAHAT SA AKIN!

Pagkatapos, inyo namang matutunghayan ang isa pang programa ng pag-ibig, pag-ibig at maraming ma-ek ek na pag-ibig. Ang...PAG-IBIG MO ANG KAILANGAN KO.

Si Dr. Victor Patriotiko ay gusto nang putulin ang lihim na pag-iibigan nila ng kanyang pasyenteng si Anna Preciosa.

Victor: HUWAG MO NA AKONG YAKAPIN, ANNA PRECIOSA! LUMAYO KA SA AKIN!
Anna: Huwag, Victor! Huwag mong gawin sa akin ito!
Victor: Anna Preciosa, kailangan na nating tapusin ang lahat sa atin! Baka nakakahalata na ang iyong asawa sa atin!!
Anna: Hindi ko kayaaa!! (sabay hagulgol) Kailangan kita, Victor! Huhuhu!!!
Victor: Ngunit, paano? Paano pa tayo makakapaglihim? Paano? Eh isa na lang ang ipin mo! Paano ko bubunutin yan?!!
(overture orchestra music)

Sabado, Pebrero 2, 2008

Utangero/ Utangera

Suweldo na naman. Ewan ko ba kung bakit biglang nawawala ang mga utangero at utangera pag ganitong panahon. Hindi ko tuloy malaman kung nagkakataon lang na nagkakasakit sila o schedule ng appointment nila sa alien at dinadala sila sa space ship pag ganitong panahon kaya bigla silang nawawala. Sigurado, aasahan kong pagkatapos ng tatlong araw ay bigla na naman silang magpaparamdam at magpapakabait--kahit hindi ko man lang sila ginagamitan ng mental telepathy eh bigla na lang silang magpapakita at magsasabing "hi!"
Bakit nga ba may mga mahilig mangutang? Sino ba ang unang utangero? Sina Eba at Adan o yung isa nilang barkada--ay oo nga pala, sila pa lang pala ang tao noon. Baka yung mga sumakay sa arko ni Noah kasi siyempre, kailangan niyang singilin ng upa yung mga nakisakay sa barko pero dahil naanod ng baha, credit muna at babayaran na lang pag nawala yung baha.
Walang ibang nakakainis sa mga utangero kundi yung mga klaseng ayaw magbayad. Yung mga klaseng gumagapang na nagmamakaawa na pautangin sila pero pag oras na ng bayaran ay biglang nagkakaroon ng amnesia. Ay naku, marami akong ganyang experience. Kung siguro buhay pa rin ang batas na kinukulong ang sinumang hindi makabayad, siguradong marami na akong naipakulong. Teka, baka mapuno naman ang mga kulungan dahil sa dami ng mga may credit cards na kuha ng kuha ng kung anong credit cards pero tatakbuhan lang pag dumating na ang bill. Pero, ano nga kaya kung buhay pa nga yung batas na yun, ano?