Sabado, Pebrero 16, 2008

Trapik Blues

Ang sanaysay na ito sinulat noong intern pa ako.

Sa araw-araw na biyahe ko, mula sa bahay hanggang sa eskuwelahan, hindi ko maiwasan ang maubusan ng masasakyang jeep. Ang dahilan--maraming jeep ang umiiiwas sa trapik (sa tamang gamit sa Ingles, traffic jam) na minsan ay sa sobrang tagal, pwede ka nang tubuan ng lumot sa katawan. Pero, tingin ko, lahat naman ng gumagamit ng kalye ay nata-trapik, ah.
Maaari nating ibunton ang sisi sa mga depektong traffic lights at sa mga pulis trapiko. Tungkol sa mga pulis trapiko na yan, hindi natin maa-underestimate ang ginagawa nila. Totoo yan dahil sino ba naman ang magtitiyagang tumayo sa kalsada na minsan nabibilad sa araw na parang daing o nauulanan (exempted dito ang mga traffic enforcers na nakatambay lang sa karinderya at nagpapalaki ng tiyan at sasabak lang sa kalye para mangotong sa mga driver), nag-uutos sa daan-daang sasakyan gamit ang silbato at mga de-manong senyas, nanghuhuli at nangunguha ng lisensya ng mga driver na buwakaw sa daan at naninigaw sa mga mala-stuntment/women na pedestrians na tumatawid sa gitna ng kalye ng walang pasubali o kaya'y ang araw-araw na makalanghap ng maitim at maruming hangin (na sa buong araw na pagtayu-tayo sa kalye ay nagiging mas tisoy pa ang ita kesa sa yo) ng siyudad. Sa araw-araw na nakakakita ako ng mga traffic enforcers, maihahalintulad ko sila sa mga nasa gobyerno natin. Mga nagpapatupad at nag-uutos ng batas sa ilang kumpas ng kamay.
Ano nga kaya ang itsura noong dekada 70? Matrapik din kaya tulad ng nararanasan natin ngayon? Masikip din ba ang mga kalsada dahil sa mga ginagawang konstruksyon? Sumusunod kaya ang mga tao noon sa mga pulis trapiko ng may takot gaya ng pagsunod nila kay Apo Makoy? May road rage na ba ang mga driver noon tulad ngayon? Ewan ko dahil hindi ko naman inabot ang dekadang yon pero nakakatawang isipin na sumusunod lang tayo sa mga nagta-trapiko kung may paghihigpit pero ngayong malayo na tayo sa diktaturya, saka naman tayo naging mga sari-sarili nating mga diktador na walang pakialam sa iba basta makapunta lang sa dapat paroonan.
Ngayon, hindi ko mainitindihan kung malaya ba talaga tayo dahil nakakulong pa rin tayo sa ating mga kabalbalan at kabuwakawan. Gaya ng trapik.
Hoy, umandar na tayoooo, ano baaa???!!!