Linggo, Enero 27, 2008

Ilang Pindot

Ang susunod na istorya na pinamagatang "Ilang Pindot" ay unang nailathala sa May 1997 edition ng San Marcelino Literary Folio ng Adamson University bago ako tumuntong ng kolehiyo. May ilang mga pagbabago akong ginawa dito kumpara sa nailathala sa Folio ngunit parehas pa rin ang paksa kung saan tinatalakay ang isang panganib na nagaganap sa panahon ngayon kung saan lahat ng tao ay nagkakakilala at nagkakausap sa pamamagitan ng Internet. Minsan, may magpapabago sa buhay ng isang tao...dahil lang sa ilang pindot.

Tak! Tik! Tak! Tak! Klik! Sige ang type ni Jerry sa kanyang computer habang sige rin ang patak ng pawis sa noo't leeg niya. Nasa katanghaliang tapat noon at kahit anong lakas ng aircon ay natatalo ito ng init ng panahon. Dalawang oras ng nakababad ang mga mata nya sa monitor ng computer at nagsu-surf sa Internet.
"Jerry! Anak! tawag ng kanyang ina. "Lumabas ka muna dyan at magtatanghalian na tayo!"
"Sandali lang ho," ang kanyang tugon. Makaraan ang ilang sandali ay tumayo sa kanyang inuupuan, pinatay ang computer at lumabas sa kanyang kuwarto.

Makalipas ang ilang minuto, binuksan uli ni Jerry ang computer at nag-log in sa Internet. Sinusubukan nyang makipag-chat ngunit mukhang walang may gustong makipag-chat sa kanya. Aalis na sana sya sa chatroom nang natigilan sya at napatitig sa monitor. Binasa niya ang nakasulat doon:
Hi! ctc?
Napangiti siya at nag-type ng ilang letra.
K! als pls.
Sumagot ang kabila.
20 Makati F
"Ayos." Bulong ni Jerry sa sarili. Lalo pa siyang natuwa nang nagpadala pa ng mensahe ang ka-chat:
I'm Robbie. Als pls.
18 Manila M. Im Jerry.
Lumipas ang ilang buwan ay palaging nakaka-chat na ni Jerry si Robbie. Sa isang call center daw nagtatrabaho ang dalaga at nakikipag-chat muna ito sa binata bago matulog. Minsan ay love at babe na ang tawagan na nila sa isa't isa na wari'y mag-nobyo pero sa panahon ngayon, uso naman ang mga nagkakakilala at nagiging mag-nobyo ang magka-chat.
Isang araw:
Babe, alam mo, gusto na rin kitang makita.
Wer u gus2?
Tumugon si Robbie: Kita n lng us s Burgr King s Mkti bandang 8 am. Mga 8 kc out ko e.

Natigilan si Jerry ng ilang sandali. Nag-isip. Maya-maya, isang munting ngiti ang sumilay sa kanyang labi saka pumindot ng ilang letra:

Cge.

Kinabukasan, alas-syete ng umaga. "Mukhang may lalakarin ka anak, a," wika ng ina kay Jerry nang mapansing ayus na ayos ang hitsura ng anak.
"Makikipag-kita lang po ako sa kaibigan ko, nay." tugon naman niya. Matapos ng ilang pagharap-harap at pag-ikot ikot sa salamin ay lumakad na ang binata.

Alas sais ng gabi. Isang dilaw na sasakyan ang pumasok sa isang motel. Isang taxi. Mula sasakyan ay lumabas ang isang lalaking nasa tatlumpu't lima na ang edad. Dahan-dahan, hinila niya ang isang walang malay na lalaki, mukhang mas bata pa sa kanya, at susuray-suray, kaakbay patungo sa loob. Habang tinatahak ang madilim na pasilyo ng motel, may nasalubong silang isang baklang mukhang nagtitinda ng panandaliang aliw.
"Sino yan?" tanong ng bakla sa lalaki habang nakasulyap sa kaakbay nitong walang malay na binatilyo. "Bagong biktima mo?"
"Alam mo naman pala, ba't nagtatanong ka pa?!" nakangiting tugon ng lalaki. Matapos mag-usap ng lalaki at nung bakla, nagpatuloy na sa pagtahak ng pasilyo
ang lalaki kaakbay ang walang malay pa rin nitong kasama hanggang sa makapasok sila sa isang kuwarto at sumara na ang pinto.

KREEEK! Dahan-dahang pumasok ng kanyang kuwarto si Jerry. Kakaiba na ang kanyang hitsura ngayon kaysa noong bago pa siya umalis ng bahay. Gusot-gusot ang kanyang polo at pantalon, gulong-gulo ang kanyang naka-gel na buhok at butil-butil ang pawis. Umupo siya sa kama, nang masulyapan ang computer.
Dahan-dahan at nanginginig ang kamay, binuksan niya ang computer. Nang mag-log in siya sa Internet, may nagpadala sa kanya ng message. Nagulat siya ng mabasa ang laman ng mensahe:

Nagustuhan mo ba ang ginawa natin? Sana gawin natin uli. BWAHAHAHAH!!!

Pagkatapos ay may lumabas na mga larawan. Larawan! Larawan ng kanyang hubad na katawan! Mga larawan ng kalaswaan at mga kasuka-sukang eksena!

Habol ang hiningang tumatagaktak ang malamig na pawis ni Jerry habang nakatitig sa monitor at ang kanyang isipan ay unti-unting nawala sa katinuan.

"PUTANGINA MOOOOOO!!!!!!" Isang ubod lakas na hiyaw ang pumuno sa kuwarto ni Jerry kasabay ng puwersahang paghugot ng monitor ng dalawang kamay at ubod nang lakas itong ihinagis sa bintana.
KRAAAASSS!! Basag ang salamin ng bintana habang tuluy-tuloy na bumulusok pababa ang monitor.

Pagkatapon sa monitor, habul-habol ang hininga ni Jerry kasabay ang paghagulgol, pagsisisi. Hindi niya alam na sa ilang pindot lang sa computer ay tinawag niya ang kapahamakan.