Sabado, Enero 26, 2008

Pilipinas 3000 A.D.: Second Installment (Not in Cash)

Pinakita sa akin ni Juliette kung saan na ngayon nakatira ang mga Pinoy sa panahong iyon. Nagpunta kami sa isang building na pahaba na itsurang barko sa malayo. May taas ito ng mga walong palapag.
"O, anong ginagawa natin dito? Mall ito di ba?" tanong ko.

"Oo nga, mall nga ito pero dito na rin nakatira ang mga tao."

"Ibig mong sabihin, sa mall na kayo nakatira?!" gulat kong tanong habang nakatitig sa building. Nagsisimula na akong mag-isip na baka nasisiraan ng bait ang baklang kasama ko nang may mapadaang school bus at mula sa mall ay may lumabas na mga bata na sumalubong sa bus.

"Aba, may mga bata..."

"Kitam? Kala mo nagbibiro ako, no?" natatawang sabi sa 'kin ni Juliette.

Habang papasok kami ni Juliette sa mall, pumikit ako dahil inaasahan kong marumi sa loob dahil doon na nakatira ang mga tao. Parang nung kapanahunang pinanggalingan ko kung saan nung marami nang tumirang tao sa Tondo, nagi na itong delikadong lugar na pinamumugaran ng mga adik, tambay, snatcher at iba pang masasamang elemento.

"Hoy gaga, anong ipinipikit mo dyan?" narinig ko ang boses ni Juliette sabay tapik sa balikat ko.

Pagmulat ko ng mga mata ko, halos lumuwa ang mata ko nang makita ko na bukod sa napakalinis ng nangingintab na tiled na sahig, malamig at mabango pa ang hangin sa loob.

"WOWWWW!!! Ang linis dito!"

"Gulat ka 'no? Di na ako magtataka."

"Anong hindi ka na nagtataka?--" magtatanong pa sana ako nang hawakan ako sa braso ni Juliette at niyaya akong tumapak sa isang kulay orange na tabla na kasya ang dalawang tao.

"Eeeeeek!!!" napatili ako nang umangat bigla yung tabla. Mahuhulog sana ako nang mahigpit akong hinawakan sa braso ni Juliette at inayos ang pagkakatayo ko sa lumulutang na tabla.

"Gaga, umayos ka kasi ng tayo at baka mahulog tayong dalawa!!"

"Shyet! Ano ba itong tinutuntungan natin?" habang pinipilit kong huwag masyadong tumingin masyado sa baba at baka malula ako dahil mga apat o limang talampakan ang taas ng pagkaka-angat ng tabla namin mula sa lupa.

"Ito po ang Tabla Porter, lola," sagot ni Juliette, "kaya ang linis-linis ng sahig dahil hindi tumatapak dun ang mga tao kundi nakasakay ang lahat dito."

Unti-unti ay nasanay na ako sa pagsakay sa Tabla Porter. Pagtingin ko sa harapan, nakita ko ang mga taong nakasakay sa mga tabla na may iba't ibang kulay.

"Wow, yung iba blue, yung iba pink o white ang kulay."

"Eh favorite ko kasing kulay ang orange kaya ito ang color." nakangiting sagot ni Juliette, "teka, bago kita i-tour sa mga apartment namin, kain na muna tayo."

"Okay, tamang-tama gutom na ako." Sa totoo lang, kanina pa kumakalam ang tiyan ko eh.
GWOOOOORK!! Pagsesegunda ng tiyan ko.

"Sige, kapit ka--LOOOLLLAAAAAA!!" at biglang bumilis ang lipad ng Tabla Porter.

"YAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAA!!!!"

(To be continued)