Sabado, Enero 26, 2008

Pilipinas 3000 A.D.: Sibika at Kultura

"So ibig mong sabihin eh wala nang mutiny?" tanong ko kay Juliette habang naglalakad kami sa mall. Ito raw, ayon kay Juliette, ang bagong renovate na SM Mall of Asia na ngayon eh pinangalangang Mall of the Planet. Sa totoo lang, dito na raw kumukuha ng supply ang mga malls sa Europa.
“Tama ka dyan!” nakangiting sagot ni Juliette habang nakasakay kami sa TablaPorter. Tahimik lang ang takbo ng TablaPorter pero ang takbo ng bilis nito ay umaabot ng 100 mph. Ayon kay Juliette, tumatakbo ito at lumilipad dahil sa electromagnetic plates na nakalagay sa sahig mismo ng mall. Bibihira lang ang magkaroon ng kaskasero sa TablaPorter dahil may biometrics ang bawat tabla na naka-issue sa mismong may-ari kaya hindi pwedeng nakawin ang tabla at gamitin ng ibang tao. Kaya, ang sinumang magpatakbo nito ng ubod ng bilis ay siguradong makikilala. Napag-alaman ko rin na ang kainan ay nasa ground level at ang apartment ng mga tao ay ang mga basement floors (katumbas ng limang palapag mula sa level ng lupa) at ang parte ng mall mismo ay mula ground level hanggang sa 6th floor.

“Eh di wala na ring oposisyon?”

“Meron pero gaya ng sabi ko, yung mga tumatakbo sa halalan eh mga gusto talagang maglingkod. Kaya, magsalita man ang mga taga-Oposisyon, may sense di tulad nung 21st century. Hay naku, sa totoo lang, yung siglong yun ang tinatawag sa History class namin na 'Pinoy Dark Ages'!”

“Ngi, pero buti naman okay na ang lahat. Pero teka, ano bang nangyari dun sa mga nagkukudeta dati?"

"Sandali lang at kain na lang tayo dito sa Aling Ponyang's," at lumiko ang TablaPorter namin papasok sa isang malaking karenderya (tama, may karenderya sa loob ng mall na ito) na pinuputakti ng mga kostumer.

KARENDERYA NI ALING PONYANG. Yun ang nakalagay sa harapang menu board at nakasulat sa asul na apron ng mga service crew.

"Bakit dito tayo kakain? Wala bang Jollibee dito o McDo?" tanong ko habang palinga-linga at nakapila kaming dalawa sa pagkahaba-habang linya ng tao (na nakasakay rin sa kani-kanilang TablaPorter).

"Tsk tsk tsk! Ang dami mo talagang hindi alam," pailing-iling na sagot ni Juliette habang nakatingin sa akin na para akong ignorante.


"Bakit?"

"Lola, ito ang bagong flagship ng Filipino entrepreneurship. Ang karenderyang ito ni Aling Ponyang ang nag-absorb noon sa Jollibee at Philippine franchise ng McDo nung huling siglo."

"Ano?!!" Mygoodness, ano ang susunod nito? Kendi na gawa sa sili o PC na yari sa balat ng saging?

Sa wakas ay nakarating kami sa unahan at nakaharap ang kahera. Kahit naka-apron sya eh kitang kitang nakasuot sya ng baro't saya.

"Magandang tanghali bayan! Ano po ang tsitsibugin nila?"

Nauna si Juliette: "Isa ngang Gigi Combo Special at gulaman saka samahan mo ng Tokneneng sidedish."

"Gig Combo Special? Ano yun?" bulong ko kay Juliette.

"Yun ang pinaka-favorite kong kainin dito. Pritong galunggong, 2 tasang kanin, isang tasang laing at isang sinigang na manok tapos ang inumin, pwede kang pumili kung bottomless na gulaman or iced salabat. Teka, ikaw naman ang umorder."

"At sa inyo po binibini?" magalang na tanong ng kahera sa kin.

"Miss, gawin nyo nang dalawa," sagot ko.

Pumindot-pindot ang kahera sa cash register bago nagsalita ng: "Ang lahat po ng kakainin nyo ay nagkakahalaga ng 1 milyong piso."

"Put---ISANG MILYON?" Biglang nawala ang gutom ko nang marinig ang babayaran ko.

TOOT! TOOT! Tumunog ang isang itsurang cellphone na nakakabit sa noo ng kahera at laking gulat ko nang may lumabas na papel sa bibig ng kahera.

Pinilas ng kahera yung papel sa bibig nya at pakaabot sa akin ng papel ay nagsalita:
"Salamat po kabayan sa inyong pagbayad!"

Kahit medyo tulala ay sumunod ako kay Juliette sa isang upuan sa isang sulok.
"Shyet! Ano yun?! Bakit naging 1 milyong piso ang babayaran ng kakainin natin?!" bulaslas ko.

"Gaga! 100K na ngayon ang equivalent ng 1 centimo noon. Mura na nga ang 1 milyon eh. Saka hindi na in cash ang bayaran ngayon kundi thru cellphone na,"paliwanag niya, "ay oo nga pala, hindi na cellphone ang tawag sa gadget na ginagamit ngayon kundi E4." Sabay pakita sa akin ng isa ngang itsurang cellphone (hindi ko masabi kung anong brand ang kamukha niya basta itsura siyang cellphone!) at as usual, kulay orange.
"E4?" tanong ko habang sinisipat ng mabuti ang hawak-hawak na gadget, "bakit E4?"
"Kasi, hindi lang sya communication gadget, gamit din sya sa pagbabayad ng bills, pang-access din sya sa videoke machine--"
"Videoke? Buhay pa pala yun?"Sabi ko.
"Natural! Pinoy tayo ano? Ano na lang ang silbi ng buhay nating mga Pinoy kung walang music? By the way, Pinoy na ang majority ng may-ari ng Sony at Universal Music ngayon."
"Whaaaaaat?!!!!!"