Huwebes, Hulyo 9, 2009

Ayaw Mo Na Ba Talaga Sa Pilipinas?

Ang sanaysay na ito ay sinulat ko para sa Araw ng Kalayaan noong nakaraang buwan pero dahil sa trabaho, medyo nakaligtaan ko. Eto po ang isa kong sanaysay tungkol sa issue ng pagkamakabayan.

Sa mga gustong iwan ang buhay sa Pinas at makipagsapalaran sa ibang bansa, hala sige kung para sa ikauunlad ng pamumuhay ninyo at ng inyong pamilya. Sa mga nasa ibang bansa na tulad ko, konting tiis. Mahirap talaga ang buhay. Sa mga gustong magpalit ng citizenship, buhay at pasaporte nyo yan—pero please lang, pakiusap na wag nyo naman isumpa ang bayang pinanggalingan nyo.

Ang hirap kasi sa iba, magpapalit rin lang ng citizenship o nangangarap pa lang, ang dami nang kapintasang binabato sa Pilipinas. Kesyo daw bulok ang daan, bulok ang gobyerno, bulok ang sistema, yada yada yada. Magpapalit rin lang ng gobyernong pagbabayaran ng buwis, may kasama pang maanghang na salita.
Nung binabasa ko yung isang libro ni Bob Ong na “Bakit Baligtad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino?”, meron dun isang sipi ng sanaysay na sinulat ng isang Herdy Yumul. Nung tanungin nya, "Who Wants to Be a Filipino?" ang ilang mga college students, nasabi nyang plastik daw yung mga sumagot sa survey na gusto pa rin nilang maging Pinoy kung ipapanganak ulit. Ang totoo, ayokong maniwala sa mga survey-survey na yan. Pati ako, pinagtitripan ko lang yan nung college ako eh kaya di dapat sineseryoso ang ganyan.

Ngayon, gusto ko naman baligtarin ang tanong at itatagalog ko pa: AYAW MO NA BA TALAGANG MAGING PILIPINO? OO O HINDI?

Kung kilala ko si Herdy, gusto ko syang tanungin nun. Alam kong sasabihin nya na gusto nyang maging Europeano. Pwedeng Pranses (gaya ng sinabi nya sa sanaysay nya) o Briton o Italyano. Basta taga-Europa. Eh matanong ko nga ikaw Herdy, nung nakapag-abroad ka, gaano katagal?
Ang payo ko sa kanya, wag syang magtanong nyan sa mga estudyante. Walang alam ang mga yun tungkol sa buhay sa abroad. Ang tanungin mo ang mga katulad naming OFW. Ang milyun-milyong taong nasa ibang bansa't nagtatrabaho, naninilbihan at nagpapaalila sa mga banyaga. Di pa kita masasagot ng deretsahang sagot pero bibigyan kita ng silip sa buhay sa abroad.

Ang sabi ni Herdy, maswerte ang tiyo nya na nakapag-migrate sa Amerika at ngayo'y citizen na. Ang totoo, ang mga kano eh mas baon pa sa utang kesa mga pobreng may listahan ng utang sa tindahan na sa sobrang haba at sobrang laki ng utang eh pati bumbay na nagpapa-5-6 eh hindi sila pauutangin. Di pwedeng walang credit card sa Amerika, dahil mas importante pa yun kesa sa bank account na puno ng pera. Nakakatawang isipin na ang daming gustong mag-migrate sa Amerika sa pag-aakalang porke may nakatapal na dolyar sa noo eh ibig sabihin, MAYAMAN AKO DAH-LING! AY AM RITS! Bakit kaya ang mga naging American citizen na mga Pinoy eh bumabalik pa ng Pinas kung rich na nga sila? Bakit di nila subukang magbakasyon sa Europa? Ang totoo, sa Pilipinas lang sila mayaman dahil sa halaga ng dolyar pag pinalit sa piso. Pero sa Amerika, marami ang kailangang rumaket sa dalawang hanggang tatlong trabaho para lang hindi tumirik ang mata sa gutom at may maipambayad sa mga kautangan. Nagiging luho na lang sa Amerika ang makatulog ng anim hanggang walong oras dahil sa ginagawang umaga ang gabi para lang kumayod at magkapera. Kaya sa mga matapobreng Fil-Ams dyan, hoy tama na ang kayabangan. Buko na po kayo.

Dito sa UK, maraming Pinoy rin ang nangangarap makapunta at makapagtrabaho. Di ko maikakaila yun dahil yun ako bago ako nakarating dito. Syempre, kung dolyar ng Kano, pag nasa Pinas eh makakapag-shopping ka sa Rustans. Pag British Pounds, tiyangge na lang sa yo ang mamili sa Power Plant sa Rockwell—yan ang paniniwala ng mga hindi pa nakakapunta.

Ewan ko ba kung yung may mga kamag-anak o kakilala na narito sa UK naninirahan at nagtatrabaho eh alam kung paano ang sistema dito sa Britanya. Ang bawat nagtatrabaho dito, citizen man o migrant worker (tulad ko) eh binabawasan ng national insurance tax. Automatic yun. Napupunta yun sa healthcare system dito (la ka babayaran pag nagpatingin o na-confine ka sa NHS o government hospital pero maghihintay ka nga lang ng mga isa o dalawang buwan bago ka matingnan pag magpapa-check up ka), sa pension at sa ilan pang common na benefits sa trabaho. Akala ng mga nasa Pinas eh buhay reyna o hari na ang mga nagtatrabaho dito sa UK. Eh eto ata ang bansang tadtad ng tax eh! Maliban sa income at insurance tax, VAT sa bawat binibili o kinakain, may council tax na binabayaran sa civic center (tawag sa municipal hall dito) sa town o siyudad na tinitirhan mo. Hindi lang yan! Gusto mong magkaroon ng TV? Kailangang bumili ka ng TV licence (spelling ng license sa Brit English) na babayaran mo buwan-buwan, quarterly o weekly. May kotse ka? May road tax at kailangang may MOT licence na babayaran din para masiguradong pwede syang ibyahe sa daan. Maitim ang buga sa tambutso, low emission tax. Pag nag-drive ka sa sentro ng London, congestion tax. Tax! Tax! Tax!

Hindi ako nagtataka nung sinulat ni George Harrison ang kantang Taxman tungkol sa palakad ng bayang kanyang pinanggalingan. Mabuti sana kung bawasan ka ng mga ganitong tax kung para sa ikakaayos ng paligid o ikagaganda ng serbisyo pero sa bawat kinakaltas sa sweldo, hindi lang sa mga government officials at government employees ang pinapasweldo mo, pati yung mga DSS. Ang mga DSS eh mga Briton na walang trabaho at nabubuhay sa suporta ng gobyerno ng Britanya. Okay lang sana kung yung mga DSS eh talagang hikahos sa buhay o mga may kapansanan o mga matatanda na pero kasama rin sa mga DSS ang mga Briton na ayaw magtrabaho, mga kriminal at paasa na lang sa benefit na nakukuha. Kasama rin ang mga dalagang ina na sinusuportahan kaya maraming kababaihan dito eh dalagita pa lang eh nagpapabuntis na para lang hindi magtrabaho at umasa na lang suporta ng gobyerno. Milagro na lang na wala pang naghuhuramentadong OFW dito. Dahil kung iisipin, imbis mapunta sa pamilya sa Pilipinas ang mga nakakalulang kaltas, sa mga tamad at iresponsableng tao rin napupunta ang pinagpaguran mo, eh baka mamaril ka na lang ng DSS dito. Ngayon, gusto mo pa bang maging citizen dito?

At matanong ko nga ang mga gustong magpapalit ng citizenship, pati rin si Herdy: ANO NGA BA ANG NAGAWA MO SA BANSANG PINAS AT SAGAD ANG PAGKABANAS MO SA BANSA NATIN?
Hindi ka ba sumusunod sa batas trapiko at nagje-jaywalk ka?
Kung may kotse ka, nangka-cut ka ba sa daan at kaskasero ka ba?
Wala ka bang paggalang sa magulang mo?
Wala ka bang paggalang sa mga kapatid mo?
Mas inuubos mo ba ang sweldo mo sa paggimik-gimik at sa luho imbes na magbigay sa magulang o sa asawa?
Nagda-drugs ka ba at pusher ka rin ba nito?
Mahilig ka bang mang-tsismis? Ikaw ba ang pasimula ng tsismis sa lugar nyo?
Tamad ka ba sa trabaho at magpipilit lang pumasok pag araw na double pay?
Sipsip ka ba sa boss?
Mahilig ka bang manggulang ng kapwa?
Mahilig ka bang mangutang pero nagdi-disappear pag oras na ng bayaran?
Mahilig ka ba sa mga “monkey business”?
Pinagbibili mo ba ang boto mo?
Kung maimpluwensya kang tao o galing ka sa maimpluwensyang pamilya, ginagamitan mo ba ng “kuneksyon” para lang matupad ang gusto mo?

Kung ang sagot mo eh “oo”, “sure”, “yes”, “minsan”, “eh...”, “dati” at “secret lang natin 'to...”, akin na yang Philippine passport mo at isasampal ko sa mukha mo ng kaliwa't kanan. Nyeta ka pala eh! Pupunta ka pa ng ibang bansa para lang magkalat ng lagim, isasama mo pang madudungisan ang pangalan ng bansa natin! Ang totoo, hindi ang mga pulitiko, hindi si Erap, hindi si GMA, hindi si FG, hindi rin si Angel Locsin o sinong artista at kahit ang sinsabing bulok na sistema ng bansa ang nagiging dahilan kaya mababa ang tingin ng mga taga-ibang bansa sa atin kundi TAYO. Ang ordinaryong tao na nakakasalamuha ng mga banyaga. Bawat isa sa mga katulad naming nasa ibang bansa ang nagsisilbing flag-bearer ng bansa natin. Kung walang kwenta ang bansa natin katulad ng ikinapuputok ng butsi ng iba sa atin, bakit nagtitiwala pa rin ang mga banyaga sa trabahador na Pinoy? Dahil ba yun kay GMA? Hindi, kundi dahil sa iilang kababayan, mga ordinaryong Pinoy, na nakitaan nila ng kasipagan at kasinupan sa trabaho.
Sa mga nag-iisip na magmigrate sa ibang bansa, ang payo ko eh kung lalabas kayo ng bansa, wag kayong mag-tour. Syempre, magaganda ang ipapakita sa inyo. Kumbaga, nakikipag-date ka lang. Syempre, goody two shoes. Lahat maganda at perpekto. Ginagawa ang lahat para mahulog ang loob mo. At sa oras na naging kayo na, nag-iiba na madalas ang istorya. Saka sa pagtu-tour, ilang buwan ka lang naman eh. Pasyal. Kain. Tulog. Walang kulturang bulok sa totoo lang. Hindi ka rin pipilitin na mahalin ang sariling kultura o kahit ng ibang bansa. Ang subukan mo eh kung mamahalin mo rin ang sistema gaya ng pagkagusto mo sa kultura nila.
Subukan mong maghanap ng trabaho. Yung klaseng magtatrabaho ka at titira ka ng matagal at lulusong ka sa sistema nila, sa klima, sa polusyon ng hangin, sa polusyon ng tubig, sa ugali ng mga taga-roon. Yung klaseng makikita mo ang kapangitan at kapintasan ng bansa. At sa oras na makita mo na, saka ka magdesisyon kung tuluyan mo nang itatapon ang berdeng pasaporte mo at magpapalit ng iba. O sige, one more time: AYAW MO NA BA TALAGANG MAGING PINOY?